Police colonel, kamag-anak ng Cabinet member kasama sa 13 napatay sa Quezon shootout

LUCENA CITY – Bagamat tila nahihirapang ma-justify ang kanilang ginawa, pinaninindigan ng kapulisan ang legitimacy sa pagkakapatay sa 13 katao sa Atimonan, Quezon noong Linggo, na sinasabing nilang mga miyembro ng isang organized crime syndicate, matapos na kanilang malaman na ilan sa mga mapaslang ay service men kasama ang isang senior police colonel, at kamag-anak ng cabinet secretary.

Sa naunang pahayang sa media, sina Calabarzon police director, Chief Supt. James Andres Melad at Quezon police director, Senior Supt. Valeriano de Leon ay sinabing ang lahat ng mga napatay ay lawless elements at nagpaputok matapos na sila ay pahintuin sa isang checkpoint na binabantayan ang mga pulis at sundalo noong Linggo ng hapon.

Ayon sa kanila ay agad gumanti at nakipagpalitan ng putok ang mga pulis at sundalo na nagresulta sa pagkamatay ng lahat ng mga suspek.

Samantala, habang nagsasagawa ng imbestigasyon ay napag-alaman na isa sa mga napatay ay si Supt. Alfredo Consemino, miyembro ng PNPA Class ’86 at kasalukuyang nakatalaga bilang hepe ng Headquarters Support Group sa MIMAROPA Police Regional Office; at si Tirso “Jun” Lontoc, kamag-anak at political leader ni Agriculture Sec. Proceso Alcala at ng kanyang kapatid na si, Quezon Vice Gov. Vicente Alcala.

Si Lontoc ay tinalaga ni Quezon Gov. David Suarez noong July 1, 2010 bilang hepe ng Civil Security Division sa provincial capitol matapos tumulong sa kanyang kampanya. Nanungkulan din ito noon bilang municipal administrator ng Sariaya, Quezon.

Ang iba pang napaslang ay kinilalang sina SPO1 Gruet Mantuano, Air Force S/Sgt. Armando Lescano, PO1 Jefrrey Valdez, Military Intelligence Group-5 agents Leonardo Marasigan at Maximo Pelayo, Gerry Siman ng Calamba, Laguna, Victorino Atienza ng Calamba, Laguna, Conrado Decillo, Victor Gonzales, Jimbeam Justiniani ng Quezon City at Paul Quiohilag ng Biñan, Laguna.

Ayon sa pulisya, ang barilan ay naganap dakong ika-3:20 ng hapon p.m. habang ang pinagsanib na elemento ng PNP at AFP ay nagsasagawa ng checkpoint sa Bgy. Lumutan, Atimonan, Quezon.

Ayon sa mga pulis ay pinahihinto nila ang dalawang papalapit na Mitsubihi Montero at sinabihan ang mga driver nito na ibaba ang mga bintana. Sa halip na sumunod, ayon pa sa kanila ay agarang nagpaputok ang mga suspek at tinamaan ang kanilang team leader, si Supt. Hansel Marantan, na siyang deputy chief ng Regional Intelligence Division (RID) sa kanyang kaliwang paa.

Dahil dito, ayon pa sa kanila, ay nagawa ng mga pulis at militar na gumanti ng putok na nagresulta sa agarang pagkamatay ng labing-isang suspek, samantalang dalawa naman ang namatay habang isinusugod sa ospital.

Ayon pa sa kanila na nakuha sa mga suspek ay M-16 Armalite rifle, M-14 rifle at 12 short firearms, 8 dito ay cal. 45 pistols, at mga assorted ammunition.

Ang kawani ng Quezon PNP Crime Laboratory Office sa pangunguna ni Chief Insp. Zaide Abrera na kasalukuyang nagsasagawa ng Scene of the Crime Operation (SOCO) ay tumanggi munang magbigay ng mga pahayag, sa kadahilanang sila ay nasa proseso pa ng imbestigasyon.

Ngunit ayon sa isang police insider ay ang mga napaslang na suspek ay nagtamo ng maraming tama ng bala sa ulo at katawan at ang iba dito ay halos hindi na makilala dahil sa sobrang pwersang ginamit ng mga pulis at sundalo na kinabibilangan ng mga tauhan ng RID sa pamumuno ni Marantan, Provincial Intelligence Branch sa pamumuno ni Supt. Ramon Balauag, Atimonan Police Station sa pamumuno ni Chief Insp. Grant Gollod at ng Army’s Special Forces Battalion sa ilalim naman ni Lt. Col. Monico Abang.

Tinuran pa niya na mga sasakyang ginamit ng mga suspek ay tadtad ng bala, at ayon pa rin sa police insider na mahigit sa isandaang basyo ng bala ang nakuha sa encounter site.

Ayon pa rin sa kanya na sa initial verification ay halos lahat ng mga armas na nakuha sa mag suspek ay pawang lisensyado at may kaukulang permit to carry outside of residence.

Sinabing gagawa sila ng legal action upang makamtan ang hiustisya, wika ng isang babaeng miyembro ng isang pamilya ng isa sa napatay na nagpakita ng galit sa mga pulis at sundalo, ay nagsabing ang kanyang kamag-anak ay hindi miyembro ng isang organized crime group, na ayon naman sa mga pulis. “MadaIi lang sabihin ng mga pulis na kriminal ang kanilang mga pinatay, pero paano nila iyon patutunayan? Ano ang kanilang basehan? Intelligence report? Magkita na lang kami sa husgado at doon na kami magkalinawan. Pagbabayaran nila ang kanilang ginawa!”, sinabi ng isang babae na ayaw ng magpabanggit ng pangalan.

Habang binibisita ng kamag-anak sa Funeraria Pagbilao, sa bayang ito, sinabi ng babae na ang nangyari ay isang maliwanag na rubout at hindi isang lehitimong shootout na pinagpipilitan ng kapulisan. Idinagdag pa niya na hihingi sila ng tulong sa National Bureau of Investigation (NBI) upang magsagawa ng sariling imbestigasyon.

Napag-alaman pa na ang ibang support units ng national police at military ng Calabarzon, Mimaropa at Bicol region ay magsasagawa ng hiwalay na imbestigasyon sa insidente.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply