Produktong gawang Marikina itatampok sa itatayong trade center

shoe-expo

UPANG mas higit na maipakilala ang mga produkto ng lungsod lalo na ang sapatos, ang lokal na pamahalaan ng Marikina ay magbubukas ng isang trade center na magtatampok at magbebenta ng mga produktong gawang Marikina.

Tatawaging Marikina Products Trade Center, ito ay itatayo sa lokasyon ng dating Tambay Kay Lim Basketball Court na nasa Shoe Avenue, Brgy. Sta. Elena (malapit sa Marikina City Hall).

Ang nasabing trade center na may floor area na 1,519 square meters ay naglalayong mas maipakilala pa ang mga produktong gawang Marikina tulad ng sapatos, bag, leather at non-leather goods, delicacies, at marami pang iba.

“Pumili tayo ng isang lokasyon na malapit sa ating city hall, pampublikong pamilihan, at sports complex. Kaya naman kahit hindi taga-Marikina ay maaaring makabisita sa nasabing lugar,” wika ni Mayor Del De Guzman.

Ang trade center ay hahatiin sa dalawang bahagi: una ay para sa mga sapatos na gawang Marikina, at ang ikalawa ay para sa iba pang mga produktong gawang Marikina na may iba’t ibang  tema kada buwan.

Ayon kay De Guzman, ang pagkakaroon ng  trade center ay hindi lamang makakatulong sa ekonomiya ng lungsod kung hindi isang magandang pagkakataon para sa small at medium-scale enterprises ng Marikina upang makilala at maibenta ang kanilang mga produkto.

“Dahil ang pagbebenta ay karaniwang hindi ganoon kadali para sa mga small at medium-scale na negosyo, ang pagsama-samahin ang mga ito sa isang commercial area ay isang magandang pagkakataon para sa kanila. Inaasahan natin na ngayong taon ay magbubukas na ang trade center na ito,” dagdag pa ni De Guzman.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply