PULITIKA, KRIMEN AT PIYESTA NG STO. NIÑO

_benny antiporda

TUWING sasapit ang kapistahan ng Sto. Niño sa Tondo, Maynila, tiyak na may mababalitaan kang pinatay.

Ewan natin kung bakit nagkakaganito.

At kahapon nga ay may pinatay sa gitna ng tagayan at kasiyahan.

Hinampas sa ulo ang mama at sa ospital na ito binawian ng buhay.

Nakilala ang biktima na si Joel Reyes at natagpuan siyang nakabulagta ng kanyang misis noong umaga sa harapan ng kanilang bahay sa kanto ng Coral St. at Juan Luna St.

Itinakbo siya sa ospital pero namatay rin.

KAILAN MAGBABAGO?

Kailan kaya tayo makababalita ng Kapistahan ni Sto. Niño sa Tondo nang walang pinapatay?

Nagtatanong tayo, mga Bro, dahil matagal din tayong nanirahan sa Tondo.

Tondo Boy nga tayo at diyan na tayo lumaki.

IBANG PAGBABAGO

Noong bata pa tayo at habang lumalaki tayo sa lugar na ‘yan, ang daming pagkain sa bawat kalye.

Naghahanda ang mga tao ng marami.

Bawat bahay may handa at inilalagay lang sa harapan ng bawat tahanan.

Kahit sa lugar na pinangyarihan ng patayan kay Reyes, maganda ang tulungan diyan ng mga residente.

Maliwanag pa ang mga kalsada dahil nagkokontribusyon ang mga residente para sa mga bombilya, kawad ng kuryente sa gitna ng kalsada at gastusin sa konsumo ng kuryente.

Ngayon ay wala na ang mga ito.

HIRAP SA BUHAY ANG BAGO

Paliwanag ng maraming taga-Tondo, hindi na katulad noon ngayon.

Dumami na ang mahihirap kaya wala ng gaanong naghahanda ng pagkain sa mga lansangan.

Wala na rin ang mga kontribusyon para sa maliwanag na kalsada.

At iyong mga nagpapalaro, bibihira na rin.

Pati na nga rin ang mga nagsasayaw habang karga-karga si Sto. Niño ay nagbawas na rin nang todo.

Nawawala ang mga tradisyon sa pagpapahalaga kay Sto. Niño.

Tanging ang pagbisita ni kamatayan sa hanay ng mga lasing o ng mga hinoholdap o holdaper at iba pa ang nanatili at hindi nagbabago.

At taon-taong may pinapatay.

NAKIKIISA TAYO

Magkagayunman, feel na feel ko pa rin ang kapistahan ng Sto. Niño.

Parang gusto ko ring tumagay at makiumpok nang magdamag sa mga kapitbahay.

Lalo na sa mga barkada na maiingay sa pagkanta at kuwentuhan.

Diyan tayo kasi mahilig at enjoy na enjoy tayo sa kasiyahan.

Lalo na kung may ipinagdiriwang gaya ng isang Sto. Niño.

Good luck sa lahat ng mga taga-Tondo sa kanilang kapistahan.

Bumabati tayo sa kanila bilang isang Tondo Boy at hindi politiko.

SA CEBU, IBANG KAPISTAHAN

Sinulog ang tawag sa kapistahan ng Sto. Niño sa Cebu.

Malaking selebrasyon ang Sinulog at bahagi nito ang prusisyon sa lupa at dagat at sayawan ng mga mamamayan. Kaya lang, may nagaganap sa Cebu na hindi maganda.

Nag-aaway-away ang mga lider diyan, lalo na sa antas ng gobernador.

Hati na rin ang mga lokal na pamahalaan mula sa mga lungsod, munisipyo at barangay.

Problema ng mga bisita na dayuhan at lokal kung kanino sila magmamano.

Sa acting governor o sa suspendidong governor na parehong nagsasabing sila ang bosing ngayon sa buong lalawigan.

PULITIKA ANG DAHILAN

May dalawang milyong botante ang Cebu.

Kapag nakuha mo lahat ‘yan o kahit kalahati lang, lamang ka na sa iyong kalaban kung kandidatong senador ka o sa partylist kaya.

Buhay ka nang kandidato ka, maniwala ka.

Sa bahagi ng partylist, kapag nakakuha ito ng kalahati ng dalawang milyong botante, tatlong representante na ang siguradong uupo na kongresman nito.

Ganyan kahalaga ang Cebu sa pulitika.

Kaya ganyan na lamang kung pinag-aawayan ang Cebu ng mga politiko mula sa Luzon, Visayas at Mindanao at lalo na ang mula sa Kamaynilaan.

Ang posisyong gobernador ang lalong pinag-aawayan dahil ito ang may ugnay sa lahat ng mga mayor at kapitan at iba pang opisyal na kung humakot ng boto ay milyon ang bilang.

Anyway, good luck din sa mga nagsi-Sinulog.

PUNO NG MGA KRIMINAL

Ang isa palang hindi nagbabago sa mga kapistahan ni Sto. Niño kahit saan ay ang paglipana ng mga magnanakaw, mandurukot, salisi, bukas kotse at iba pa.

Binibiktima nila ang lahat: Filipino at dayuhan.

Kaya naman, dapat na tandaan ng mga nakikipiyesta na magbantay ng todo ng kanilang mga ari-arian.

Tangay man nila sa kamay o sa bulsa o sa kotse ang mga ito.

ORGANISADONG KRIMINAL

Sa mga nahuhuli, halatang organisado ang mga ito.

‘Yun bang === may mga bosing sila na roon dinadala ang kanilang mga nakulimbat.

Pero may mga solo rin kung lumakad.

Diyan sa organisadong mga kriminal dapat mag-ingat.

Dahil may mga bosing silang mga pulis o hardened criminals na handang pumatay at mangkulong.

Dapat lansagin ang lahat ng ito.

Ito ang mga sumisira sa kasiyahan ng mamamayan sa pagdating ng mga araw na dapat nilang kalimutan ang mga krisis sa buhay.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply