PUWING NI CORONA HINATULAN NG MGA SENADOR NA MUTAIN!

burdado-jun-briones2

ASTIG ang dating ng ating mga senador sa suot na roba habang dinirinig noon ang impeachment case laban kay dating Chief Justice Corona.

Sa kanilang mga asta, aakalain mong walang bahid ng corruption ang kanilang pagkatao.

At bilang mga pormang Mr. Clean ng bansa ay natural lang na kanilang hatulan ang dating Chief Justice dahil nakitaan ito ng anomalya!

Nagbunyi, parekoy, ang karamihan dahil napatalsik ng mga korap ang korap! Este napatalsik ng Senado ang korap na si Corona.

Ilang buwan ang matuling lumipas, mistulang “mortar” na sumabog ang baho ng mga senador na humusga at nagpatalsik kay Corona.

Mahigit P2 milyon pala ang buwanang kurakot…este…budget ng bawat senador na hindi malaman kung paano nila nilalaspag dahil walang nagaganap na tamang auditing!

At dahil naramdaman ni Senate President Juan Ponce Enrile na hindi pa bundat ang kanyang mga alaga, aba eh pinamaskuhan pa ng halos tig-P2 milyon bawat buwaya este bawat senador ng bansa!

Maliban siyempre kina Sens. Santiago, Trillanes at ang magkapatid na Cayetano na tig-P250k lang bawat isa.

Dahil ayaw nilang pahawakan kay Senate President Enrile ang kanilang mga leeg!

Kunyari dagdag na Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) ang ipinamudmod, pero tumpak si Senadora Santiago, bakit nga naman daragdagan sila ng MOOE gayong patapos na ang taon?

Dito na lumutang, parekoy, ang mga kabulastugan sa Senado na pati katulong sa bahay ay pasahod pala ng Senado.

Pati pang-grocery at pang-upa sa sariling building ay hinaharbat sa pondo ng Senado!

Tangnang buhay ito, habang nagdidildil sa asin ang karamihan sa ating kababayan, milyones pala kung lumamon ng pondo ang mga onorabol!

Ipagpalagay ng hindi iligal dahil madali lang naman nilang baluktutin ang batas, pero maliwanag na ito ay immoral!

Uulitin ko, parekoy, kagalang-galang ang porma ng ating mga senador noong hinuhusgahan nila ang isang korap.

Ni sa hinagap noon ay hindi ko maisip na masahol pa pala ang mga humusga!

Ika nga sa Banal na Aklat, nakita nila ang puwing sa mata ng iba pero ang napakalaking muta sa sarili ay hindi nakita!

Naalala ko tuloy ang isang pasabog noon ni dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada.

Hoodlums in robes!

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply