Paglipat kay Mali sa santuwaryo oks kay Marcos

mali-the-elephant

TATLUMPU’T-anim na taon na ang nakakaraan, ang kinatawan ng Ilocos Norte na si Congresswoman Imelda Marcos—noo’y Unang Ginang—ay tinanggap ang elepanteng si Mali bilang regalo sa Pilipinas ng bansang Sri Lanka.

Ngayon, si Rep. Marcos ay sumali na sa kampanya ng People for the Ethical Treatment of Animals (PETA) Asia na ilipat na sa santuwaryo sa Thailand ang may sakit at nag-iisang 38-anyos na elepante sa Manila Zoo.

Sa isang liham na ipinadala sa ngalan ng PETA Asia para kay Pangulong Benigno Aquino III, pinasalamatan ng kinatawan ang pangulo para sa kanyang direktiba na ikunsidera ang paglipat kay Mali sa santuwaryo, at nagpaliwanag na noong 1977, si Mali ay isang mahalagang simbolo ng pagkakaibigan ng Pilipinas at Sri Lanka.

Ngunit ngayon, ika ni Rep. Marcos, “napakarami nang mga eksperto at aktibista ang nagmumungkahi na ilipat si Mali sa santuwaryo, kung saan siya ay malayang makakapaglibot, makakasama ng ibang elepante, at mamumuhay sa kalikasan.”
Sinabi pa ni Marcos na, “Kung ang paglipat na ito ay makabubuti kay Mali, ako ay hindi tumututol at malugod na sumusuporta. Kahit nakalulungkot ang kanyang pag-alis, ako ay matutuwa na makita siyang magkaroon ng mas mabuting buhay.”

Sa kanyang kasalukuyang pinaglalagyan, si Mali ay walang sosyalisasyon, stimulasyon, at lahat ng mga bagay na likas at mahalaga sa kanya. Tinitiis niya ang labis na pagkabagot, kalungkutan, pag-iisa sa isang napakaliit na kulungan kumpara sa nararapat na laki ng kaniyang natural na tirahan.

“Ang kondisyon tulad ng dinaranas ni Mali sa loob ng 35 taon, ang pagkait ng pakikisalamuha sa kanyang mga kauri, ay sumisigurado ng isang malungkot na buhay na nagiging sanhi ng maagang pagkamatay ng mga elepante,” ika ni David Hancocks, dating zoo director, at namamahala at nagpaplano ng mga zoo sa mahigit na apat na dekada.

Sa santuwaryo, siya ay magkakaroon ng malaking espasyo, pagkakataong makihalubilo sa iba pang mga elepante, at patuloy na pangangalaga ng mga ekspertong beterinaryo.

Si Rep. Marcos ay sumasali sa isang mahabang listahan ng mga prominenteng tao—tulad nina Brigitte Bardot, Dr. Jane Goodall, ang Arsobispo ng Cebu, at ng napakaraming mga dalubhasang beterinaryo—na sumusuporta sa paglipat ni Mali.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply