Reward system ordinance ni RJ suportado ng NPD

SUPORTADO ng Northern Police District (NPD) ang isinusulong na ordinansa ni Liga ng mga Barangay sa Pilipinas President, Caloocan City Councilor Ricojudge Janvier “RJ” Echiverri na naglalayong mabigyan ng reward ang mga taong tatayong testigo sa masasaksihang krimen.

Ayon kay NPD Director, Chief Supt. Joel Ma Alvarez, malaki ang maitutulong sa kapulisan ng ordinansang ito ni Councilor Echiverri dahil sa pamamagitan nito ay mas mapabibilis ang pagbibigay ng solusyon sa mga nagaganap na krimen.

Aniya, kadalasan ay walang sapat na budget ang Philippine National Police (PNP) upang mapondohan ang pagbibigay ng reward sa mga taong gustong tumestigo sa kanilang masasaksihang krimen kaya’t kadalasan ay nagsasawalang kibo na lamang ang mga ito dahil na rin sa takot na madamay sila sa kaso.

“Napapanahon ang pagsusulong ni Councilor Echiverri ng reward system ordinance dahil sa pamamagitan nito ay mas maraming tao ang maaaring tumestigo na magiging dahilan upang mas mapabilis ang pagresolba sa mga nagaganap na krimen”, sabi pa ni Alvarez.

Idinagdag pa nito, dapat na gawin din ito sa iba’t-ibang lugar sa ating bansa dahil isa itong magandang ordinansa na malaki ang maitutulong sa PNP sa pagbibigay ng katarungan sa mga nagiging biktima ng mga gumagalang kriminal.

Matatandaan na ang aksiyon na ito ni Councilor Echiverri ay matapos na mabiktima ng stray bullet ang pitong taong gulang na si Stephanie Nicole Ella na tinamaan ng ligaw na bala noong pagsalubong sa Bagong Taon sa labas ng kanilang bahay sa #2066 San Lorenzo Ruiz Street., Barangay 185, Malaria, Caloocan City.

Sa kasalukuyan ay pinag-aaralan pa ni Councilor Echiverri kung magkano ang reward na ilalagay nito sa kanyang ihahaing ordinansa nang sa gayon ay magkainteres ang mga residenteng tumestigo o magsumbong sa pulisya sakaling makasaksi ng krimen.

Umaasa rin ang konsehal na susuportahan ng kanyang mga kasamahan sa Sangguniang Panglungsod ang kanyang isinusulong na ordinansa dahil malaki ang maitutulong nito upang mabigyan ng katarungan ang mga nagiging biktima ng krimen.

“Malaki ang magiging pakinabang ng ordinansang ito dahil hindi lamang ang mga makasasaksi o makapagsusumbong sa naganap na krimen ang makikinabang dito kundi maging ang pamilya ng mga magiging biktima, ang pulisya at ang buong lungsod”, sabi pa ni Councilor Echiverri.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply