RIGHT TO REPLY NG COMELEC AT PAGPATAY SA HALALAN

ultimatum

ANO-ANO na kaya ang nagaganap sa Commission on Elections?

Tila may mga bagay na gusto nitong gawin pero kaduda-duda kung may hurisdiksyon ito o wala.

Mayroon namang bagay na saklaw ng hurisdiksyon o kapangyarihan nito pero tila mahinang-mahina.

RIGHT TO REPLY

Isinusulong nito ang right to reply ng mga politiko ngayong halalan.

At bumabalangkas na ito ng mga patakaran kung paano ito isasagawa.

Kalakip kasi umano nito ang kuwestiyon sa karapatan ng mga politiko na magkaroon ng parehas na mga oras sa telebisyon at radyo at ispasyo sa mga diyaryo.

WALANG BATAS SA RIGHT TO REPLY

Ang mahalagang tanong sa Comelec, eh, may pinagbabatayan bang batas ito para ipilit sa mga taga-media pairalin ang right to reply?

Ang pagkakaalam natin, mismong ang Kongreso ay walang ipinapasang batas ukol dito. May panukala, oo, pero wala pang nabubuong batas ang mga mambabatas.

At gustong pairalin ito bilang patakaran ng Comelec?

Kasama ba sa Omnibus Election Code ang right to reply ng mga politiko?

Hindi yata.

PATAS NA PAGBABALITA

Mukhang hindi alam ng mga taga-Comelec na ginagawan ng paraan ng lahat ng mga taga-media na makuha ang lahat ng side ng mga nasasangkot sa mga isyu na ibinabalita.

‘Yun nga lang, para sa mga taga-radyo at telebisyon, nagagawa nilang kunin sa loob ng 12-24 oras ang sides ng mga nauugnay sa isang balita.

Lalo na ang mga may 24 oras na programa.

Pero ang diaryo, dahil sa limitasyon sa oras ng paglalabas ng balita, may pagkakataon na hindi lahat ay nailalabas.

Lalo na kung “cannot be reached” o wala talagang paraan na makontak sa pinakamadaling panahon ang politiko.

Sa diaryo kasi, kailangan itong mailimbag sa takdang oras at kung hindi umabot sa deadline ang reaksyon ng politiko, kinabukasan na lamang ito mailabas.

HURISDIKSYON ANG PUNO’T DULO

Pero ang puno’t dulo ng usapin ay kung may hurisdiksyon o kapangyarihan ang Comelec na diktahan ang mga diaryo, radyo at telebisyon kung ano ang nilalaman ng mga balita nito.

Mayroon ba?

Dito dapat mag-isip ang mga taga-Comelec.

Lalo’t walang batas nag-oobliga para pairalin ng mga taga-media ang right to reply.

Sapat nang sabihin natin dito na lahat ng oras ay nakahanda ang mga taga-media na ilabas ang side ng sinomang naibalita nilang politiko.

Magkakaiba nga lang ang mga limitasyon sa oras at ispasyo para sa kanila.

SA KORTE TAYO MAGKITA

‘Yung iba nga, sa halip na mag-’right to rreply’, ang manakot ang ginagawa.

Sige, ilabas mo at sa korte na lang tayo magkita-kita, drama ng mga politiko.

Mayroon namang ngumingisi lang at kinabukasan, patay na ang isang mediaman.

Sa katunayan, sa mga panahon ng halalan nagaganap ang mga pagpaslang sa mediamen ngayon.

Pinakamatingkad na halimbawa ang Ampatuan massacre na alam na alam ng lahat ng itiniyempo sa halalan noong panahon ni Aling Gloria.

Nakatatakot.

SUNOD-SUNOD NA PAGPATAY

Ang mas maganda sigurong gawin ng Comelec ay mag-concentrate sa mga problema sa pulitika.

Lalo na usaping seguridad ng mga politiko at mamamayan, kabilang na ang mediamen.

Sinasabi natin ito dahil sa unti-unting pagbilis ng mga pinapaslang na politiko, kabilang na ang lady mayor sa Maconacon, Isabela.

Mayroon ding halong pulitika ang pagpaslang sa siyam na katao sa Negros.

Kahit na may cover na pagdalo sa isang kasiyahan o piyesta ang pangyayari sa Negros, nauuganay ito sa pulitika dahil may mga kandidato yata na kasama sa mga napatay.

Diyan sa Maconacon, may nauna nang napatay ng mayor din. At naulit ang pangyayari sa huling pagpatay ng lady mayor na gustong mare-elect ngayong halalan.

MATINDI ANG PATAYAN

O kayong mga taga-Comelec, ito ang inyong pakakatandaan.

Maraming politiko ngayon ang naniniwalang hindi sila makapandadaya sa halalan dahil sa ‘computerized’ na sistema sa pagboto.

Hindi na uubra ang mga itinatakbong ballot box at ang mga pekeng balota na inaabrakadabra para sigurado ang panalo ng madayang politiko.

Hindi rin basta uubra umano ang vote buying sa bagong sistema.

Kaya naman, tinotodas na lang ng isang politiko ang kalaban niyang maaaring makatalo sa kanya.

At ‘yan ang matindi, mga Bro.

SEGURIDAD NASAAN?

Ngayon, mga Bro, nasaan ang sapat na seguridad ng mga politiko?

Sa nangyari sa lady mayor ng Maconacon, malinaw na may matinding kapabayaan ang Comelec.

Buhay ng tao ang pinag-uusapan dito at hindi lamang usapin ng karapatan, gaya ng ‘right to reply.’

Ngayon naman ay sinundan ito ng pagpatay ng siyam na katao sa Negros.

Nasaan nga ang karapatang mabuhay ng mga politiko.

Ang masaklap, may nadadamay na hindi mga politiko kundi mga ordinaryong mamamayan.

Ano-ano na ang mga ginagawa ng Comelec dito?

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa  www.remate.ph o i-text sa 09214303333.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply