SA TARAY NI DE LIMA, NBI INUTIL NA?

baletodo

NAGTUNGO si Department of Justice Secretary Leila de Lima sa Atimonan, Quezon noong nagdaang linggo, kasama ang mga opisyal at imbestigador mula sa Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines at National Bureau of Investigation.

Kasama rin sa lugar ng pinangyarihan ng pagpatay sa 13 pasahero ng 2 Montero ang dalawa umanong testigo sa barilan.

Isinadula ang ginawang “barilan” sa harap ni Secretary De Lima at mga imbestigador. Matapos ang senaryo ay kinausap na niya ang 2 testigo at ipinakita sa lahat nang naroroon, kasama na ang media kung ano ang “totoong” nangyari sa oras ng pagbaril sa 13 katao.

Walang gatol na itinuro ng 2 saksi kung ano ang nangyari, kung ano ang aktwal na nakita nila habang nagpuputukan at ang pagbaril sa mga buhay na nakataas na ang mga kamay bilang pagsuko pero binaril pa raw ng mga “awtoridad sa checkpoint”.

Ang mga testigo ay nakasakay umano sa malaking trak kaya kitang-kita nila ang mga pangyayari. Matapos ang kanilang pagtuturo sa mga puwesto ng mga namaril at binaril, hayun na ang hudyat, nagtataray na si Kalihim Leila at sinabi niya sa mass media na kumober sa reenactment na kahit sa anong tingin, sentido komon na lang ay walang naganap na shootout kundi malinaw na rubout!

Okay na sana ‘yun dahil maituturing na tulak ng damdamin ang nakita, ipinakita at narinig ni De Lima sa dalawang testigo. Pero kinabukasan ng umaga, inulit niya kay G. Mike Enriquez na host ng malawak na programang Saksi sa DZBB, na sa salaysay at pagsasabi ng mga saksi ay pinaniwalaan sila ng Kalihim. “Walang matinong tao na nakasaksi ng ganoon ang magsasabing shootout” dahil sa puwersa ng pamamaril at pagpatay sa mga biktima.

Sa ganitong anyo, ano pa kaya ang papel ng NBI ngayon? Hindi pa nila natatapos ang imbestigasyon? Maaaring may punto si De Lima pero papaano naman kung may ibang testigo ang NBI na maaaring iba sa sinabi ng 2 testigo?

Ibang magtrabaho ang NBI sa ganitong sitwasyon. Segurista sila at talagang matindi ang pagkalap nila ng mga ebidensya at testimonya.

Hindi ba unang deklarasyon ng mga sangkot na pulis at sundalo na shootout laban sa mga “gun for hire?” Inayudahan pa ito ni Palace Spokes-woman Atty. Abigail Valte na “lehitimo” raw ang operasyon? Nagsalita si Pangulong Benigno Aquino III na duda siya kaya inutusan ang NBI.

Sila mismo ay nagkabuhol na at mismong ang PNP Task Force ay agad na nagpalabas ng kanilang bersiyon na rubout nga pala.

Biglang liko ang PNP. Pero ang NBI na nakiusap sa taumbayan at sa media na hintayin ang resulta ng kanilang imbestigasyon, eh, inunahan na sila ni Secretary De Lima.

Nagtaray na rubout at hindi shootout.  Siya ang boss ng NBI. Ano pa ang say nila?
Naging inutil ang NBI sa taray ni De Lima?

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply