SANA MATULOY ANG MODERNISASYON NG PN AT PAF

square-nelson-flores

SANA ay maging tunay na hukbong dagat na ang ating Philippine Navy sa susunod na taon matapos ipahayag ng Department of National Defense noong isang araw ang balak nitong pagbili ng dalawang sopistikadong barko mula sa Italya.

Ang mga makabagong barkong ito, Maestrale class na frigate, ay may kakayahang magpalubog ng submarino’t kapwa barko at magpabagsak ng mga eroplano dahil sa mga sari-saring armas na taglay nito kabilang na ‘yung tinatawag na surface-to-air at surface-to-surface missiles, mga torpedo at automatic na kanyon.

Higit itong malakas kaysa sa mga Hamilton class cutters na ibinenta sa atin ng United States Coast Guard kamakailan lamang.

Ang mga barkong ito ay kinomisyon ng Italya para sa kanilang hukbong dagat noong 1982 at ireretiro nila sa Enero ng susunod na taon.

Bagamat magkakahalaga ng P11.7 bilyon ang mga segunda manong barkong ito ay malaki ang maitutulong nito sa pagmamantine ng seguridad sa ating mga karagatan lalo na ngayong hindi maganda ang ugnayan natin sa People’s Republic of China. Bilang isang arkipelago ay dapat noon pa pinalakas ng pamahalaan ang ating hukbong dagat.

Kakatwa ang ating hukbo sapagkat higit na mas malakas ang ating army kaysa sa navy at air force gayong mas istratehiko ang halaga ng huling dalawang puwersang nabanggit.

Dangan kasi mas binigyan ng pansin ng pamahalaan ang insurgency na bunga ng kahirapan na likha naman ng kasakiman ng mga pul-politiko at negosyante.

Kung noon pa ay tuwid ang daan ng ating pamahalaan ay hindi sana nagkaroon ng insurgency at nagkaroon tayo ng puwersa militar na igagalang ng ating mga kapit-bansa.

* * *

Suwerte naman ang 18 senador na nakatanggap ng P1.6 milyon bilang pamasko mula kay Senate President Juan Ponce Enrile.

Sa kabila ng katotohanan na maraming manggagawa ang hindi sumasahod ng tama at ni walang Christmas bonus ay heto ang ating mga mambabatas at may tumataginting na pamasko.

Hindi kataka-taka tuloy na marami sa atin ang ibig maging senador. Masarap kasi ang buhay nila kumpara sa ating mga maliliit na hindi kakain kung hindi magbabanat ng buto.

* * *

Nagtataka ako kung bakit pinapayagan ang mga tricycle sa ating pangunahing lansangan katulad halimbawa ng Maharlika Highway.

Bukod sa nagiging sanhi ito ng pagbagal ng daloy ng trapiko ay napaka-delikado ng mga ito para sa mga pasahero, drayber at pedestrian.

Bukod sa pagiging bastos ng karamihan sa mga drayrber nito’t mabagal na takbo, marami sa mga motor ng mga tricycle ay laban sa inang-kalikasan sapagkat ang mga ito ay lubhang mausok.

Dumaragdag pa ang usok ng mga ito sa mga ibinubuga na ng mga pabrika, karag-karag na bus at dyip. Pinalalala ng mga tricycle ang polusyon at pag-init ng mundo o global warming.

Talagang dito sa atin ay “live at your own risk” ang kodang hindi nakasulat (unwritten code) na sinusunod ng lahat. Parang “wild wild west” yeeehaw.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply