Seal of Good Housekeeping iginawad ng DILG sa Marikina City

IGINAWAD ng Department of the Interior and Local Government (DILG) – National Capital Region ang Seal of Good Housekeeping  (Silver Category) sa lokal na pamahalaan ng Marikina.

Ang pagkilala ay iginawad ni DILG-NCR Regional Director Renato Brion kay Marikina Mayor Del De Guzman sa programa ng lingguhang pagtataas ng watawat noong Lunes, ika-7 ng Enero sa Freedom Park ng lungsod.

Ang Seal of Good Housekeeping ay iginawad sa Marikina bilang pagkilala ng kagawaran sa pagsusumikap na mapataas pa ang antas ng transparency, performance, accountability, at participation ng lokal na pamahalaan na bumubuo sa isang pangmatagalang pundasyon ng isang responsableng pamumuno.

Dagdag pa rito, ang Seal of Good Housekeeping ay ibinibigay sa mga LGUs na maagap na pagpapatupad at pagsunod sa Full Disclosure Policy (FDP) ng DILG.

“Tayo ay natutuwa at muling ginawaran ang Marikina ng Seal of Good Housekeeping na mula Bronze Category noong 2011 ay naging Silver Category na ngayong 2012. Magsisilbing inspirasyon ito upang patuloy nating pagbubutihin ang pagbibigay ng tapat at maaasahang serbisyo sa ating mga nasasakupan,” wika ni Mayor Del De Guzman.

Alinsunod sa pamantayan ng FDP, kinakailangang nakalagay sa website, mga pahayagan at iba pa ang pondo, mga gastusin at bids ng LGUs upang malaman ng mga mamamayan ang nangyayari sa pamahalaan at sa mga transaksyon nito.

Bukod sa Marikina nakatanggap din ng kahalintulad na pagkilala ang lungsod ng Navotas, Caloocan City, at Makati.

“Tayo ay namahagi ng sipi ng ating Citizen’s Charter sa mga residente at naglagay din tayo ng kopya nito sa bawat tanggapan upang mabasa ng mga residenteng ang mga transaksyong ipinagkakaloob ng lokal na pamahalaan. Dito ay kanilang mababasa at malalaman ang mga proseso at taong lalapitan upang makuha ang ating mga serbisyo,” dagdag pa ni De Guzman.
Layunin  ng pagbibigay ng nasabing pagkilala o parangal na  hikayatin ang lahat ng local government unit na sumunod sa tuwid at maayos na landas sa pamumuno upang mapanatili ng transparency at upang mabawasan, maiwasan, at maalis ang graft and corruption sa gobyerno.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply