SENADO, ASIKASUHIN ANG MGA PROBLEMANG BAYAN

benny antiporda

KUMILOS ang Senado para lutasin, once and for all, ang kontrobersya sa pamamahagi sa mga senador sa taong ito ng bahagi ng pondo ng maintenance and other operating expenses na natira mula pa sa nakaraang taon.

PB3 MOOE

Nagkakahalaga ang MOOE ng nasa P3 bilyon sa buong taon ngunit ilang milyon lamang ang natira at ito ang ipinamahagi ng liderato ng Senado.

May kumontra at may pumabor hanggang sa umabot na ito sa publiko na naghayag na rin ng mga magkakakontra ring paniniwala.

Maging ang mga abogado na senador ay hati rin sa pagsasabi kung iligal o hindi ang naganap na bigayan ng MOOE.

ISANG SOLUSYON

Sumentro ang kontrobersya kay Manong Johnny na siyang namigay ng MOOE sa mga senador.

Ang maganda na ginawa ni Manong Johnny ay nag-mosyon siya na bakantehin ang posisyon ng Senate President na kanyang hawak.

At kasunod nito ang pagbibigay-laya sa lahat ng mga senador na pumili ng karapat-dapat na maging Pangulo ng Senado.

Sa botohan, 11 ang pumabor sa pananatili ni Manong Johnny bilang bosing ng Senado.

‘Yung iba, sina Joker Arroyo at Bongbong Marcos, nag-abstain.

Pinaboran naman ng tatlong senador ang mosyon ni Manong Johnny.

Resulta: Manong Johnny pa rin.

PINAKAMAGANDA NA PAHAYAG

Pinakamaganda na pahayag ni Manong Johnny ang pagpapanatili ng Senado bilang independiyente mula sa Palasyo.

At kapantay na rin nito.

Sa ibang salita, hindi dapat na maging tuta ng anomang ahensya ang Senado at ito ang hiniling ni Manong Johnny na gawin ng papalit sa kanya.

Pangalawang punto ang pagkakaroon din pala ng ??? sa mga transaksyon ng ilan sa mga pumupuna kay JPE.

At kapag nabuksan ang mga ito, eh, aalingasaw sa buong Pinas.

Diyan tiyak na masisira ang Senado.

TUMIGIL NA

Mungkahi natin ngayon na dapat nang tumigil ang mga senador sa kanilang awayan.

Sabagay, sa gabi bago ang botohan kahapon ng hapon kung kailangan ngang palitan na o hindi si Manong Johnny, nagkaroon ng 21 na senador na may gustong manatili si Manong Johnny bilang bosing.

Kinabukasan, nag-iba ang kulay ng ilan sa mga senador at tatlo nga ang nagkagusto na palitan na siya.

Ang nakatatawa, kung totoo, ang mga kasapi ng Liberal Party raw ay pumabor pa kay Manong Johnny.

Sino-sino ang mga taga-LP na bumoto at hindi bumoto kay JPE?

Kayo na, mga Bro, ang kumilatis o kumilala sa kanila.

MARAMING PROBLEMA

Ang lalaki ng problema, mga Bro, ng mamamayan.

Doon lang sa Africa, nanganganib na mapasabak sa krisis ang maraming Overseas Filipino Worker.

‘Yun bang === mga nasa bansang Algeria, Mali, Mauritania at iba pang bansang nakapalibot sa Mali na may umaapoy na giyera dahil sa agawan ng pamahalaan at teritoryo.

Kapag lumawak ang giyera mula sa Mali patungo sa ibang mga bansa, gaya ng Algeria, nakupo, mas matindi raw pala ito kaysa sa mga giyera sa Somalia, Afghanistan at Iraq.

HINDI LANG DFA, OWWA AT PALASYO

Hindi lang ang Department of Foreign Affairs, Overseas Workers Welfare Administration at Malakanyang ang dapat na kumilos diyan.

Dapat kasali rito ang Senado, maging ang Kamara.

Dapat na magkaisa ang lahat ng ito na magbuhos ng atensyon sa mga OFW na namatayan na sa Algeria.

Anim nang OFW ang napatay ng mga hostage-taker at gobyerno ng Algeria.

At may apat pang OFW na walang nakaaalam kung bu-hay pa sila o patay na.

PAMPALIBING NG MGA PATAY

Kapag pumunta ka sa mga munisipyo at barangay, ang dami palang namamatayan ang walang kakayahang magpalibing.

Kawawa ang mga kapitan ng barangay at mga kagawad na nasasairan maging ng panggastos sa kanilang mga pamilya matulungan lang ang mga namatayan.

Maraming saklang patay ang pinatigil ng mga malalaking politiko sa Metro Manila ngunit wala naman silang ginagawa para sa panggastos sa kabaong, punerarya, palibing, pagkain ng mga naulila at marami pang ibang krisis na dinaranas ng mga mahihirap na pamilya.

Wala ring ginagawa ang mga magagaling at malalaking politiko sa hirap ng mga pamilya na ilabas sa mga morge ng ospital ang kanilang mga patay upang mapaglamayan man lang ang mga ito nang maayos bago maipalibing.

Anak ng tokwa, sa kalagayang ito, dapat na lumaya ang Senado sa kanilang mga awayan at kumilos para iahon sa hirap ang mga mahihirap.

NAGHIHIRAP DUMARAMI

Ang nakatutulig ay ang resulta ng isang sarbey na kung saan sinasabi ng mamamayan na dumarami silang naghihirap.

‘Yang kontraktuwalisasyon, mga Bro, ang sinasabi sa atin na pinagmumulan ng malaking paghihirap, lalo na sa hanay ng 38 milyong obrero.

Sino nga naman ang hindi maghihirap sa kontraktuwalisasyon kung sa loob lang ng limang buwan ay tanggal ka na sa trabaho at hindi ka na maaaring bumalik sa pinanggalingan mong kompanya?

At alam ba ninyo na mismong ang pamahalaan ay numero unong nagpapairal ng kontraktuwalisasyon, gaya ng pagkuha ng nars at iba pang empleyado sa loob lang ng isang taon?

Mga senador, kilos na!

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa 09214303333.

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply