SI ITIM NA NAZARENO AT MGA MAMAMATAY-TAO

benny antiporda

BUKAS ang kapistahan ni Itim na Nazareno ng Quiapo, Maynila.

Milyong katao ang tiyak na dadalo sa prusisyon at halos titigil ang lungsod ng Maynila dahil sa katakot-takot na trapik sa mga daraanan nito gaya ng naganap sa nakaraang mga panahon.

Pero hindi alintana ito ng mga tao sa paniniwalang mamilagro at mabiyaya si Itim na Nazareno.

Marami ang naniniwala na malaki ang ginagampanan ni Itim na Nazareno sa mamamayan, lalo na sa mga deboto nito.

PAKINABANG NG MGA POLITIKO

Maraming politiko ang sumasama sa prusisyon lalo na kung ang kapistahan ni Itim na Nazareno ay sa panahon ng halalan gaya ng halalang 2013.

Marami ang umeepal diyan at gustong-gusto nilang ma-capture sila ng mga kamera ng mediamen para makakuha ng boto mula sa milyong deboto.

Maka-Diyos nga naman ang dating ng politiko at ibig sabihin niyan na hindi magiging magnanakaw ito kung nakaupo na sa puwesto.

At kung maka-Diyos at ‘di kawatan si kandidato, maaaring manalo siya sa halalan?

ISA LIGTAS, ISA NAHULI

Sa mga politikong umeepal sa kapistahan ni Itim na Nazareno, may naalaala tayo, mga Bro.

‘Yung isang politiko ay katakot-takot na kasong pagnanakaw at pang-aabuso sa tungkulin ang kinakaharap niya. ‘Yung isa, nakalibre sa kaso habang sinusulat natin ito.

Parehas ang dalawang politiko na milyones kundi man bilyones ang winaldas o ninakaw na pera ng bayan.

Ang tanong: mas friend ba ni Itim na Nazareno ang isa sa mga politikong ito?

Kaya naman, sinusuwerte ang isa samantalang nakarma ang isa?

Naku, patawad po, Itim na Nazareno, hindi nila alam ang kanilang ginagawa.

ANG ISANG BALO

Isa sa mga tiyak na deboto at dadalo sa prusisyon ang babaeng humiling at pinagbigyan ni Itim na Nazareno.

Balo ang babae mula sa lalaking pinatay sa saksak sa Tondo, Manila.

Habang lumalaki ang kanyang tatlong anak, nagtatrabaho naman siya bilang accountant ng isang ahensiya ng gobyerno.

Dahil napababayaan niya ang kanyang mga anak na dumarating na sa edad bilang mag-aaral, nag-nobena siya ng siyam na araw sa simbahan ni Itim na Nazareo.

Humiling siya ng bagong asawa na makauunawa sa kanya bilang balo at makatatanggap sa kanyang mga anak bilang tunay na anak.

Halos mapudpod ang kanyang tuhod sa kalalakad nang paluhod sa simbahan.

SI BAYAW

Hindi nagtagal, dumating ang tugon sa kahilingan ng babaeng balo.

Isang hapon na dumating siya mula sa trabaho, kalong-kalong ng binata niyang bayaw ang kanyang bunso.

Nadatnan niyang ipinagluto na rin ng hapunan ang kanyang mga anak.

Lumipas ang mga araw, nagsilbi nang ama ng mga bata ang kanyang bayaw.

BUMALIK KAY NAZARENO

Muli siyang bumalik kay Itim na Nazareno dahil sa kaba sa kanyang dibdib sa nagaganap.

Nagtanong siya roon kung ang bayaw na ang kasagutan sa kanyang mga panalangin.

Muli, isang hapon na dumating siya galing sa kanyang opisina at pagod na pagod, yakap-yakap ni bayaw ang kanyang bunso na humalik sa kanya.

Bilang pasasalamat, niyakap ng balo ang kanyang bayaw at pinakasal na sila ng kanilang mga magulang

Mula noon, they lived happily ever after.

Hanggang ngayon, ayon sa ating UZI, hindi na lang tatatlo ang anak ng balo.

Anim na lahat sila at minamahal sila lahat ni bayaw ng pantay-pantay.

SHOOTOUT

Grabe ang mga patayan ngayon kahit saan.

Pinakahuli na masaker, este, rubout, ehek, shootout ang naganap sa lalawigan ng Quezon kamakalawa.

Todas ang 13 miyembro umano ng criminal syndicate na nakasakay sa dalawang SUV na may pupuntahan o bibiktimahin.

Naging tama ang tip umano ng isang informer ng mga pulis sa lugar na pinanggalingan ng mga pinatay.

NAKATATAKOT

Habang lumilipas ang mga oras at araw makaraan ang shootout, lumalalim ang kaso.

May mga aktibo palang mga pulis sa mga napatay, kabilang na ang isang police colonel.

May kamag-anak pa umano ng isang cabinet secretary na isang mataas na opisyal ng lokal na pamahalaan at mayroon ding isang kagawad ng Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines.

Sa huli, nagiging kaduda-duda tuloy ang shootout…kung masaker ito o rubout.

May nagsimula nang hindi maniwala sa “intelligence report” ng pulis na nag-checkpoint na mga “gun for hire” ang mga naratrat.

MASAKER

Bago naganap ang shootout, nagkaroon naman ng masaker sa Cavite.

Gaya ng alam na ng lahat, walo ang namatay at walo rin ang nasugatan sa masaker na gawa ng dalawang durugista.

‘Yung isa ang naging gunman habang ang taga-load naman ng bala sa .45 ‘yung isa.

Marami pa ang nagaganap na patayan, mga Bro, gaya ng pagpugot sa isang navy man at kasamahan nitong babae ng isang aplikante sa trabaho.

Iba pa ang mga pagpatay sa mga kababaihan at bata ng mga manyak, durugista at berdugo.

PATULONG PO POONG NAZARENO

Ngayon ay naninikluhod tayo kay Poong Itim Nazareno na iligtas tayo sa mga mamamatay-tao

Sana nga po, hindi tayo magiging biktima ng mga utak-pulbura sa paligid.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply