SIBAKIN SILA SA RUBOUT/MASSACRE

Allan-Encarnacion-mano_mano-web-copy

KAILAN lang ay ipinagmalaki ng liderato ng PNP ang kampanya laban sa “one strike policy” sa mga istasyon at district command.

Ibig sabihin, kapag may nahuling bolahan ng iligal na sugal sa kanilang area of responsibility, walang paliwanag na tatanggapin, sibak agad sa kanilang posisyon ang mga kumander.

Maganda ang ganitong patakaran, lalo na kung wala silang sasantuhing opisyal.

Ang tanong ngayon, nag-iba na ba ang polisiya ng PNP magmula nang maging hepe si General Alan Purisima at malagay sa DILG si Secretary Mar Roxas?

Ano ba ang mas dapat bigyan ng tuon ng DILG at PNP? Ang one strike policy ba sa iligal na sugal o ang double strike ng  mga high profile crime incident sa kanilang nasasakupan?

Katulad ng ilang opisyal sa PNP-Calabarzon, mukhang nilagyan ng epoxy ang puwet ng mga ito kaya hindi mahugot nina General Purisima at Secretary Roxas sa kanilang posisyon.

Dalawang magkasunod na mabibigat na insidente ang nangyari sa mismong tungki  ng ilong ng mga opisyal na mukhang hindi pinairal ang one strike policy.

Kung ang station commander ay sinisibak n’yo dahil  lang nahulihan ng iligal na sugal, bakit itong mga opisyal ay mukhang pinaghehele n’yo pa kahit dalawang magkasunod na masaker ang nangyari sa kanyang area?

Hindi ba alarming ang pagkamatay ng pitong residente sa Kawit, Cavite nang mag-amok ang drug addict na si Ronald Bae at ang Atimonan, Quezon massacre na ikinamatay ng labing tatlo katao at ikinasugat ng isa para kumilos kayo?

Hindi pa ba sapat na dahilan ang dalawang matitinding patayan sa Cavite at Quezon para sipain ang mga opisyal?

Secretary Roxas at General Purisima, kung ayaw n’yo rin lang sibakin sila, i-promote n’yo na lang sila.

Bigyan n’yo ng mga estrelya sa balikat at iyong isa, ipako n’yo sa kanilang noo para matandaan nilang kapag sablay sa liderato, promosyon ang regalo!

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply