SINUMPAANG TUNGKULIN NG PNP AT KARAPATAN NG AKUSADO

burdado- jun briones

BOBO ang nagpayo kina Col. Hanzel Marantan at sa kasamahang pulis na sangkot sa Atimonan massacre, nang sabihin nila na hindi muna magbibigay ng pahayag dahil ito ay kanilang karapatan.

Alam natin na ang pulis ay mayroon ding mga karapatan gaya ng isang sibilyan. Lalo na sa tinatawag na rights of the accused. Pero hindi lahat ng karapatan ng sibilyan ay pwede sa pulis, gaya na lamang sa ordinaryong mga empleyado na may karapatang magwelga, sa pulis ay bawal ito!

Isa pang halimbawa, parekoy, kapag may nagaganap na krimen sa harapan ng isang pulis at isang sibilyan, habang karapatan ng sibilyan na mabigyang seguridad ang kanyang buhay, kasabay naman ito sa tungkulin ng pulis na depensahan ang sibilyan at supilin ang suspek. Dito papasok ang pagpapahalaga sa tungkulin bilang alagad ng batas kesa personal niyang karapatan na maligtas.

In short, ang pulis at sundalo ay nanumpang uunahin ang tungkulin kesa personal na pangangailangan. Kaya mali ang mga pulis na sangkot sa Atimonan massacre na i-invoke ang kanilang karapatan sa doktrina ng “rights of the accused” sa puntong ito dahil technically, hindi pa sila mga akusado!

Ang pinag-uusapan ngayon ay ang kanilang “sinumpaang tungkulin” na ipagtanggol ang mamamayan na sa isyung ito ay hindi na nga naipagtanggol, pinagpapatay pa.

Tungkulin din ng mga pulis na ipaliwanag ang ginawang trabaho kung ito ba ay naging palpak o karapat-dapat sa medalya ng kagitingan! Pero ang ginawa nilang pagtakbo sa camera dahil sa pagtanggi na sumailalim sa imbestigasyon ng NBI ay lalong nagbigay-linaw na may itinatagong kademonyuhan sa naganap na insidente.

Payong kapatid sa mga sangkot na pulis, putulin na ang pananahimik at sabihin na kung ano talaga ang tunay na nangyari dahil ang pinag-uusapan ngayon ay ang inyong sinumpaang tungkulin. Ang pagtatago ng katotohanan sa inyong operasyon ay hindi pagpapakita ng katapatan kay Col. Marantan.

Ito ay maliwanag na paglabag sa sinumpaang tungkulin! Na may kaakibat na parusa sa paglabag sa batas!

Sa oras na kayo ay sampahan ng kaso ay doon ninyo maaring i-invoke ang doktrina ng “rights of the accused.” Doon ay mayroon na kayong karapatang manahimik, na kumuha ng abogado, etsetera. Alam dapat ito ni Col. Marantan…‘yan ay kung totoong ‘di siya isang berdugo!

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply