So isang tulak na lang

wesley-so-1

TABLA na lang ang kailangan sa last round ni Pinoy super grandmaster Wesley So upang makasulong muli ng piyesa sa World Cup.

Nakipaghatian ng puntos si top seed So, (elo 2682) kay 12-time national champion GM Rogelio “Joey” Antonio sa eighth at penultimate round kagabi upang manatiling nasa top spot ng Asian Zone 3.3 Chess Championship na ginaganap sa Tagaytay International Convention Center.

May total 6.5 puntos si 19-year old So matapos ang 31 moves ng French defense laban kay Antonio sa event na inorganisa ng National Chess Federation of the Philippines, (NCFP) kung saan ay ipinatupad ang nine rounds swiss system.

Muli namang nakasalo ni Philippine top chess player So ang mahigpit na karibal at kapwa super GM na si No. 2 ranked GM Nguyen Ngoc Truong Son, (elo 2631) ng Vietnam.

Giniba ni Son ang kababayang si GM Cao Sang.

Bukod sa cash prizes ay dalawang slot ang nakataya para sa WCC 2013 na gaganapin sa Tromso, Norway mula Agosto 10 hanggang Setyembre 5, 2013.

Panalo o tabla sa last round ang kailangan ni So laban kay No. 12 seed Sang, (2488) para makasiguro ng upuan sa nasabing prestihiyosong event sa chess.

Magkasalo naman sina No. 3 seed Antonio, (elo 2541) at defending champion Susanto Megaranto ng Indonesia sa third to fourth spot tangan ang 5.5 points.

Tinalo ni ranked No. 5 Megaranto, (elo 2529) si reigning Philippine Sports Commission, (PSC) king GM Mark Paragua.

Sina Antonio at Megaranto ang nakatakdang magharap sa board 3 habang sa top board sina So at Sang.

Sa board 2 naman ilalaro ni Son ang kanyang huling pagtulak ng piyesa laban kay Pinoy woodpusher GM John Paul Gomez na may 5 points.

Samantala, si GM Oliver Barbosa pa lamang ang nakasisiguro ng slot sa World Cup.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply