‘Superior facilities’ ng Bataan freeport, ibinahagi sa Turkish tycoons

authority-of-the-freeport-area-of-bataan

IBINAHAGI ng pinuno ng Authority of the Freeport Area of Bataan (AFAB) sa mga negosyante sa Turkey ang mga “superior facility” ng freeport kabilang na ang 10.9 milyong cubic meter-capacity dam nito at iba’t ibang tax incentive.

Malaki ang pakinabang ng mga banyagang kumpanya sa 1,691-ektaryang industrial complex sa bayan ng Mariveles dahil sa mahusay na mga pasilidad dito, likas na yaman at magaling na pamumuno, ani AFAB Chairman Deogracias Custodio.

Sa idinaos na Turkiye-World Trade Bridge na ginanap sa Istanbul, sinabi ni Custodio na isa itong magandang oportunidad upang isulong ang Freeport Area of Bataan (FAB) at lumikha ng ekonomikal, kultural at pampublikong pakikipag-ugnayan sa mga pinuno ng negosyo sa Turkey at buong mundo.

Tanging FAB lang umano sa buong bansa ang mayroong 10.9 milyong cubic meter-capacity dam na nagsusuplay ng 14 na milyong galon ng tubig araw-araw. Tampok din dito ang water treatment at sewerage treatment plant na sumasala sa itinapong tubig upang mapanatili ang kalinisan ng kapaligiran.

Binibigyan din ng mga pribilehiyo sa buwis ang mga negosyante tulad ng Income Tax Holiday nang hanggang walong taon.

Inorganisa ng Republic of Turkiye’s Confederation of Businessman and Industrialists (TUSKON) ang naturang world trade summit na nag-imbita sa mga import company na gumagawa ng mga ready-to-wear na damit, tela at leather na gamit.

Bago ang summit, bumisita ang mga negosyanteng Turkish mula TUSKON at Turkish Chamber of Commerce of the Philippines noong nakaraang taon sa freeport at nangakong dadalhin ang mga opisyal ng FAB sa kanilang bansa.

Ito ay matapos magpahayag ng positibong reaksyon ang mga banyaga hinggil sa mga nakitang pasilidad at pangangasiwa sa FAB.

Sa kasalukuyan, mahigit 60 kumpanya ang tumatakbo sa Bataan freeport na nakagagamit ng Enhanced Automated Cargo Transfer System, Immigration One-Stop-Shop at Labor Center sa FAB.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply