Tactical inspection, ikinasa sa SM North security personnel

antolin-paule

NAGKASA ng general assembly at joint tactical inspection ang Quezon City Police District (QCPD) sa mga security personnel ng SM North EDSA bago ang pagbubukas ng mall kaninang umaga (Enero 29).

May 1,000 sekyu ng mall, bukod sa iba pang may-ari ng mga stall, ang ininspeksyon ng kanilang Senior Vice President for Security Operations na si Antulin Paule at ni QCPD director Dir. Senior Supt. Richard Albano .

Kabilang sa binusisi ay ang kanilang baril, metal detector at iba pang gamit ng mga guwardiya.

Ayon kay QCPD Deputy Director for Operations Senior Superintendent Neri Ilagan, layunin ng operasyon na mabigyan ng paalala at suhestiyon ang SM North sa kung paano mas mapa-iigting ang seguridad sa loob at labas ng mall.

Hinamon naman ni Albano ang mga guwardiya na hulihin ang mga tauhan na may dalang baril sa mall anumang araw matapos ang joint tactical inspection.

Sakaling malusutan ng kanyang ipadadalang pulis ang security ng SM North, mananagot, aniya, ang security agency ng mall.

Nilinaw naman ni Ilagan na nakakasa na ang aktibidad bago pa ang nangyaring pagnanakaw sa isang jewelry store sa SM Megamall nitong Sabado.

Pero ayon kay Senior Assistant Vice President for Customer Relations Services Felipe Buena ng SM Retail, nagkasa na rin sila ng inspeksyon sa Megamall nitong Biyernes lamang, isang araw ang nakawan kaya ikinalulungkot niyang nalusutan pa rin ang kanilang personnel.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply