Tangan ng Pilipinas at mga Pinoy ang momentum ngayong 2013

trending ngayon

MAPANANATILI ng bansa ang momentum na nakuha nito noong 2012 sa pamamagitan ng pagsusulong ng mga reporma sa edukasyon na makatutulong para sa pagkakaroon ng mas maraming oportunidad sa ekonomiya at trabaho para sa mamamayan.

Naging maganda ang 2012 para sa atin pero naniniwala ako na mas magiging maganda ang 2013 kung ating tututukan ang mga pangunahing isyu ng bansa – ang edukasyon, ekonomiya, at trabaho.

Kung si Pangulong Noynoy Aquino ay pinangungunahan ang laban sa korupsiyon, akin namang ipagpapatuloy ang paglikha at pagsusulong ng mga panukalang batas para sa pagkakaroon ng mas mahusay na sistema ng edukasyon sa bansa.

Bilang lawmaker at tumatayong chairman ng House committee on higher and technical education, noon pa man ay adbokasiya ko na ang mapagkalooban ang mga kabataang Pinoy ng de-kalidad na edukasyon.

Noong nakaraang taon, kabilang sa aking mga panukala na naisabatas ang Universal Kindergarten Education Act na nag-aatas ng pagkakaroon ng libreng kindergarten education sa lahat ng pampublikong paaralan para maihanda ang mga batang Pinoy sa kanilang pagpasok sa elementarya.

Ang pagpasa naman sa aking mga inakdang Early Years Act at Special Education Act ay makatutulong para maabot ng edukasyon ang nakararami.

Nilalayon ng Early Years Act na gawing institusyon at palakasin ang National Early Childhood Care and Development Program na kumakalinga sa mga batang edad zero hanggang apat na taon, lalo na iyong mga nagmula sa mahihirap na pamilya, habang ang Special Education Act ay nilalayon ang pagkakaroon ng SPED centers sa school divisions sa buong bansa para mapangalagaan ang children with special needs.

Hindi lamang dapat na pagkalooban ng edukasyon ang bawat Pinoy, dapat na iayon din ang edukasyon sa kanilang mga pangangailangan, abilidad, at konteksto.

Hindi na uubra ang pabara-barang tiradang one-size-fits-all at higit sa lahat, ang edukasyon ay hindi eksklusibo.

***

TAON-TAON, tuwing Pasko at Bagong Taon, makikita natin ang maraming bata sa mga kalsada sa Metro Manila, kasama ang kanilang mga magulang at ang destinasyon – ang bahay ng kanilang mga ninong at ninang.

Kailan kaya mangyayari na kapag Pasko at Bagong Taon ay ang mga ninong at ninang naman ang mga nasa kalsada sa Metro Manila at ang destinasyon – ang bahay ng kanilang mga inaanak?

Sa aking pagkakaalam, ang sanggol na si Jesus ay hinanap pa ng Kanyang mga ninong – ang tatlong haring mago – para bigyan ng regalo.

***

Para sa mga suhestiyon, reaksiyon, at komento, pumunta sa aking website na www.sonnyangara.com, aking FB account na www.facebook.com/sonnyangara, at aking Twitter account na @sonnyangara.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply