Tone-toneladang basura iniwan ng mga deboto ng Nazareno

HINAKOT ng pinagsanib na pwersa ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Department of Public Service (DPS) ng Manila City government ang tone-toneladang basurang iniwan ng mga deboto ng Itim na Nazareno.

Hindi lamang ang mga debotong may bitbit na replika ng imahen ng Itim na Nazareno ang nakabuntot sa prusisyon kundi maging ang mga tauhan ng MMDA at DPS na may dalang walis at lalagyan ng basura.

Batid ng mga tauhan ng MMDA at DPS na marami pa ring mga pasaway na deboto ang hindi tatalima sa kanilang panawagan na magdala ng kani-kanilang lalagyan ng basura kaya’t nagtalaga sina Chairman Francis Tolentino at Ret. Col Caloy Baltazar ng DPS ng kanilang mga tauhan na kaagad magwawalis sa kalat na maiiwan sa lansangang daraanan ng prusisyon.

Napag-alaman na kasama sa plano ng DPS at MMDA ang pagsunod sa mahabang prusisyon, bitbit ang kanilang mga walis at plastic na paglalagyan ng basura na hahakutin naman ng mga naka-antabay na ring trak upang mabilis na maalis ang mga basurang maiiwan ng mga deboto na karamihan ay mga botelyang plastic na pinaglagyan ng tubig.

Kaugnay pa rin ng traslacion, batay sa ulat, umabot na sa mahigit 100 katao ang dinala at ginamot sa mga itinatag na “medical tents” ng MMDA umpisa alas-8:00 kaninang umaga kung saan 27 sa mga ito ang itinuring na trauma patients habang may isinugod din sa Ospital ng Maynila dahil nangangailangan ng higit pang atensiyong medikal.

Karamihan sa mga debotong ginamot ng nakatalagang medical team ay dumanas ng paninikip ng dibdib, nahirapan sa paghinga, nahimatay sa pagod at ilan din ang nasugatan ang mga paa.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply