TOTOO ANG MALAWAK NA KAHIRAPAN SA PINAS

benny antiporda

NAGLILIBOT tayo, mga Bro, sa iba’t ibang lugar.

Sinusubukan nating alamin ang katotohanan ukol sa pinakahuling survey ng Social Weather Station na lumaki ang bilang ng mga mahihirap mula sa 47 por-syento sa 54 porsyento.

Sa ibang salita, kung 47 milyon lang ang naghihirap sa nasa 90 milyong Pinoy noong nakaraang mga buwan, nitong nakalipas na tatlong buwan ay naging 54 milyon na.

KAHIT MAGANDA ANG NEGOSYO

Ginawa ang survey noong Disyembre 8-11, 2012 na ilang tulog na lang ang layo sa Kapaskuhan.

Sa mga panahong ito, sinasabing masigla na ang kalakalan at karaniwang tuloy-tuloy ito hanggang Bagong Taon.

Dahil masigla ang kalakalan, natural na may kita ang mga tao.

Pero bakit masama ang pakiramdam ng marami sa kanilang kalagayan?

TAGA-MINDANAO

Kung tatanungin mo ang maraming taga-Mindanao at ilang lugar sa Kabisayaan na dinaanan ng katakot-takot na kalamidad, natural na nega ang dating ng kaunlaran.

Alam naman ng lahat kung paano sinira ng bagyong Pablo, baha at landslide ang buhay at ari-arian ng milyon-milyong mamamayan.

Hanggang ngayon nga ay may bahagi pa rin ang Mindanao, sa Davao, halimbawa, na tinatamaan ng state of calamity.

At ang masakit sa mga taga-Mindanao, hindi madali sa kanila ang bumangon dahil hindi lamang hanggang ilang linggo at araw ang kanilang bubunuin para makabangong muli.

Marami sa kanila ang kailangang gumapang upang mabuhay sa marami pang taong darating bago sila makabangon.

Kaya naman, wala talagang magsasabi na umuunlad na ang kanilang buhay.

PATI TAGA-LUZON

Hindi gaanong tinamaan ang Luzon ng mga mapaminsalang bagyo.

Kung may tumama man, walang iba kundi ang habagat. Pero Setyembre pa naganap ito.

Siyempre, milyong katao rin ang napinsala, lalo ang mga taga-Metro Manila, kanlurang bahagi ng Timog Katagalugan at ilang lugar sa Kabisayaan.

At nagbunga ito ng kahirapan? Siyempre naman, ang kahirapan ay tumagos sa mga sumunod na buwan.

Ikaw man ang malunod at masiraan sa baha ng habagat. Eh milyong katao rin ang biniktima ng habagat.

NANANATILING MGA DAHILAN

Sa pag-iikot-ikot natin, talagang mahirap ang kalagayan ng marami.

At may mga pangunahing dahilan na kaiba sa bagyo, baha, landslide at habagat.

Ayon sa ilang opisyal ng mga panlalawigang pamahalaan na ating napasyalan, napapagod na rin sila sa kasasalo sa mga walang tiyak na trabaho.

‘Yun bang === wala na silang ginawa kundi magrekomenda ng employment sa mga nagpapatulong sa kanila na magkaroon ng trabaho.

‘Yun pala, halos wala na umanong permanenteng trabaho sa kanilang mga lalawigan.

Lahat na ay nagiging kontraktuwal. Pagkatapos ng limang buwan na pamamasukan, sibak na ang mga obrero at hindi sila makababalik kailanman sa kanilang kompanya.

MAHAL NA DIESEL AT GASOLINA

Ang mga magtatraysikel, mga Bro, ang ating natatagpuang grabe rin ang hirap sa kalagayan dahil sa mahal na gasolina.

Noong araw daw, P100-P200 lang ang isang tangke ng kanilang mga motor. Ngayon, naglalaro na sa P500-P600 kada araw.

Wala umano silang binubuhay kundi ang mga kompanya ng langis.

Ang masakit, marami sa mga binata ang walang lakas ng loob na mag-asawa dahil sa gutom lang daw ang kanilang maipakakain sa kanilang magiging mga asawa at anak.

Hindi umano problema ang kanilang bawndari dahil halos hindi naman umano nagbago ito mula sa P100-P150 kada araw.

Halos pareho rin ang kuwento ng mga jeepney driver.

Sobrang mahal daw ang diesel at ang mga kompanyang langis din ang kanila umanong binubuhay.

SOBRANG TRAPIK

Jeepney drivers at maliliit na negosyante ang mga umaangal sa grabeng trapik.

Nakauubos umano ang trapik ng malaking bolyum ng gasolina at diesel.

Matumal na nga umano ang pasahero dahil wala nang gaanong namamasyal na mga pamilya sa hirap ng buhay, nasasairan pa sila ng kita dahil sa trapik.

Kahit umano ang daming traffic enforcer at pulis sa lansangan, talagang perhuwisyo ang trapik, sabi nila.

KOTONG COPS, ENFORCERS

Umiiyak na ang mga driver ng mga pampasaherong sasakyan at negosyante sa mga kotong cop at traffic enforcer.

Napakaliit na umano ang kanilang kita, pinalala pa ito ng mga kotong cop at traffic enforcer.

Sumbong nila sa atin, imadyinin daw ang panghuhuli ng mga kotongero sa kanila.

Kung minsan dalawa o tatlong araw kang huhulihin ng mga tarantado, ano pa ang matitirang araw ng kanilang paghahanapbuhay?

Isang araw umano ang inuubos nila sa pagtubos ng kanilang mga lisensya.

Nanghuhuli ang mga kotong cop at traffic enforcer upang makarami sila ng komisyon sa loob ng kinsenas o buwan.

Utos sa kanila ang panghuhuli ng mga bosing nila na kumikita ng malaki sa komisyon.

TOTOO ANG SURVEY

Sa isang salita, maaaring totoo ang survey.

Ang mga kinauukulan na makabasa nito ay dapat nang mag-isip ukol sa kahirapan.

Mga sir at mam, ano-ano ang mga gagawin ninyo?

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply