Totoo na raw ito

sibol

ILANG beses na ba nating narinig, lalo na tuwing mga unang araw ng taon na maganda raw ang tanawin ng hinaharap, mas gaganda ang ekonomiya sa Bagong Taon at huwag mawalan ng pag-asa dahil paangat ang buhay?

Dahil din ito sa katotohanan na puno ng pag-asa ang mga tao.

Noong isang araw, habang ang karamihan ng Filipino ay nagsasaya sa pagsalubong sa taong 2013, muli ay nagpahayag ang mga eksperto at ekonomista ng pagpuri sa pagpapakitang gilas ng ekonomiya ng ating bansa.

Positibo ang pananaw ng maraming eksperto, ng mga tinatawag na international economic watcher.

Totoo na raw ito.

Saan ba kamo galing ang excitement ng economic watchers?

Ang sabi, tinitingnan daw ng mga tagamasid ng pandaigdigang merkado ang pagsisikap ni Pangulong Benigno Aquino III na magkaroon talaga ng pagbabago.

At marahil ang mainit na usapan sa Sin Tax bill na nagbabadya ng maraming perang bubuhos sa kaban ng bayan.

Pero may mga babala sa gitna ng lahat.

Hindi pa rin daw tuluyang nasusugpo ang korapsyon at hindi pa rin sapat ang paraan para bumaba sa ordinaryong Filipino ang pakinabang at pakiramdam ng isang malusog na ekonomiya.

Siyempre sasabihin ng gobyerno, ito na ‘to, totoo na ‘to.

Pero sa huli, tayo pa ring mamamayan ang makagagawa ng paraan para sumulong ang ating buhay.

Kaya makisabay sa paggalaw at pag-angat ng ekonomiya sa kahit na anong paraan at pagkakataon.

Magnegosyo, halimbawa.  Mag-alay ng serbisyo para may dagdag kita tayo.

Mag-isip ng paraan para masakyan natin ang sinasabi ng mga eksperto na magandang pananaw ngayong 2013. Magtanong sa inyong mga lider sa komunidad, manghingi ng payo.

Huwag lang tayong basta maghintay ng grasya, hanapin natin ito para sa ating mga pamilya.

Meron pa ring mga isyu na hindi natin maiiwasan na maari pang makipag-agawan sa ating atensyon, halimbawa na ang RH Law.

Gaya ng sabi ko, kahit pa napirmahan na ito at naging batas, nakaumang ang balak gawin ng Simbahang Katoliko na dalhin sa Korte Suprema ang kanilang pagtutol.

Abangan at makialam sa usapan ng bayan. Pero sa mga nakaaalam kung paano nila mapakikinabangan ang nasabing batas, kumilos na rin tayo para mapasa-atin ang para sa atin bilang mga mamamayan ng Pilipinas.

Kilos-kilos lang mga kababayan ko.

Happy New Year at happy sana lagi lahat ng mga Filipino.

ariel.inton@gmail.com

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply