Turistang bumisita sa PPUR, tumaas ng 12.3% sa taong 2012

puerto-princesa

TUMAAS ng 12.3 porsiyento ang mga bumisitang turista sa Puerto Princesa Underground River (PPUR) sa taong 2012 kung ikukumpara sa taong 2011, ayon kay PPUR Park Superintendent James Albert Mendoza.

Ayon sa datos ng PPUR Park Management Office, umabot sa kabuuang 294,576 ang naitalang bilang ng mga turistang bumisita dito noong 2012 na binubuo ng 248,467 lokal na mga turista at 46,154 mga dayuhang turista. Samantalang nakapagtala lamang ito ng kabuuang bilang ng mga turista na 235,870 kasama na ang lokal at mga dayuhan noong 2011.

Pinapakita sa datos ng PPUR Park Management Office na ang mga buwan ng Abril at Mayo ang may pinakamataas na naitalang bilang ng lokal na bisitang nagtungo sa pamosong kuweba dahil ayon sa kanilang palagay ay ito ang panahon na bakasyon ang mga mag-aaral at nakakasama ng kani-kanilang mga pamilya sa pagtungo sa Puerto Princesa. Enero at Pebrero naman ang panahon ng pagdagsa ng mga banyagang turista na siya namang tag-lamig sa kani-kanilang mga bansa.

Sa datos ng PPUR Booking Office, ang mga Amerikano ang nangungunang turista, sinusundan ito ng mga Koreano bago ang mga Australyano na bumibisita sa underground river.

Ayon kay Mendoza, mula ng mapabilang ang PPUR sa talaan ng New Seven Wonders of Nature, mas mabilis ang pagtaas ng bilang ng mga manlalakbay na bumibisita dito.

Dagdag pa ni Mendoza na ang kompetisyong ito ang nagpakilala sa PPUR sa iba’t ibang panig ng mundo.

Upang mapanatili ang likas na kagandahan ng lugar, mahigpit na ipinapatupad ng pamunuan ni Mayor Edward S. Hagedorn ang mga batas pangkalikasan.

Masusi ring tinututukan ang bilang ng mga taong pumapasok sa mismong kuweba upang hindi maapektuhan ang mga buhay ng mga nakatira malapit dito.

Isinasaayos na rin ang mga pasilidad na ginagamit ng mga bisita habang inaantabayanan din ng mga kawani ng coastguard ang kaligtasan sa paglalakbay sa dagat ng mga turista patungo sa kuweba lalo na kapag masama ang panahon.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply