TUWID BA O BALUKTOT ANG DAAN SA BOC

benny antiporda

‘Yan ang tanong ng ating mga UZI makaraang makita nito ang nangyayaring kotongan sa loob ng Bureau of Customs

Bagama’t “matuwid na daan” ang nais ipatupad ng pamunuan ni BOC Comm. Ruffy Biazon at BOC Depcom for Intel Danny Lim, kakaiba naman ang natanggap nating reklamo laban sa Revenue Collection Monitoring Group (RCMG) at sa Run After The Smugglers (RATS) na pinamumunuan ni Depcom Peter Manzano.

Isang kilala raw sa tawag na “Onggoy” ang nangongolekta ng tara kung saan kinakaladkad nito ang pangalan ni Manzano.

Umaabot sa P10,000 kada container ang hinihinging sapilitan ni Onggoy kung hindi ay aabalahin daw nito ang mga kargamento ng mga importer.

Tsk!Tsk!Tsk! Malaki pa kay Alexis So at Ordonice ang kinokolekta mo Onggoy!

Grabe! Kailan pa titino ang Bureau of Customs?

COMELEC O KOMOLEK?

Hindi ba’t itong Commission on Elections ang sangay ng pamahalaan na nangangasiwa ng eleksyon sa bansa?

Mahigpit at matikas si COMELEC Commissioner Sixto Brillantes. ‘Yan ang maririnig n’yo sa apat na sulok ng COMELEC.

Pero kapag lumabas ka ay “saksakan ng bobo ni Comm. Brillantes.” ‘Yan naman ang maririnig mo sa apat na sulok ng bansa dahil sa mga ipinalabas nitong kautusan na hindi naman niya kayang panindigan.

GINULO ANG PARTYLIST

Unahin na natin ang panggugulo nito sa usapin ng partylist.

Sangkatutak ang diniskwalipika ng Comelec pero hanggang kasalukuyan ay nabibinbin ang mga apela sa korte.

Yun bang === mga nasa Supreme Court.

Nakatulong ba ito sa ating bansa? Hindi ba’t abala rin ang ibinigay nito?

At pati ang Korte Suprema ay nagkagulo dahil sa kalokohan ng Comelec.

Bakit hindi na lang hinayaang tumakbo ang mga yan?

Siguradong matatalo rin naman sila kung totoong hindi sila lehitimong partylist gaya ng sinasabi n’yo r’yan sa Komolek, este, COMELEC.

GUN BAN LABAN SA LIGAL

Nagpalabas kayo ng gun ban gaya na rin nang isinasaad sa ating batas.

Ngayon, heto lang ang tanong… kaya bang proteksiyunan ng pamahalaan ang taumbayan?

Namaril ang Canadian national na si John Pope sa loob ng Cebu Palace of Justice.

Patay ang 4 katao, kabilang na ang dayuhan na namaril.

Nasaan ang mga otoridad? Sa loob mismo ng korte yan, ‘di ba?

Noong Sabado ay pinasok ang SM Megamall kung saan nagkaputukan pa at natangay ang mga alahas sa loob ng dalawang jewelry shop.

May nagawa ba ang Comelec at kapulisan?

Hinoldap at pinatay ang isang kliyente ng bangko sa Ortigas kahapon, may nagawa ba kayo o ang kapulisan?

Bakit nangyayari ang mga ito? Ito ay dahil sa kabobohan n’yo na tanggapin ang lahat ng application for gunban exemption pero hanggang kasalukuyan ay wala pa rin kayong inaaprubahan.

KOMOLEK ANG INUNA

Alam n’yo ba, mga Bro, na base sa sirkular ng Komolek ay pati guwardiyang nagbabantay sa mga bangko ay kinakailangang may exemption?

At kung hindi ba naman “komolek” ang pakay ng mga tarantado, sa aplikasyon ng security agency ay sumisingil ang mga ito P5,000 kada agency at P50 kada guwardiya.

Tanong ng ating UZI… “para saan ‘yung bayad?”

Bawat indibiduwal naman na may security escort galing sa PNP Police Security and Protection Group ay magbabayad din ng P5,000 kada application for exemption.

Aprub o hindi ay parang kinain na ng buwaya ang pera mo.

ILIGALISTA ANG PROTEKTADO

Sa madaling salita, ‘yung mga financier na lang ng casino na hindi naman nagbabayad ng kanilang taxes ang may security escort sa kasalukuyan, dahil ito lang ang kayang magbayad kahit magkano maproteksiyunan lang sila.

Subukan ninyong puntahan ang Resort World at doon makikita n’yo kung ilang pulis na nagkalat ang nagbibigay proteksiyon sa mga sugarol at financier.

KARAPATAN NG MAHIHIRAP

May karapatan din namang mabuhay ang mahihirap, pero sa kasalukuyang sistema ni Brillantes mukhang dito na sila matutuluyan.

Una… January 13, 2013 pa nagsimula ang gun ban pero hanggang kasalukuyan ay wala pa rin silang ipinalalabas na exemption .

HeHeHe Sapat na ba ang karate?

Saan din kukuha ng P5,000 ang mga mahihirap na may death threat para mabigyan ng proteksyon ng PNP?

Sagutin mo nga Sixto!

DEMANDA VS COMELEC

Naiisip lang natin na sa gitna ng lahat ng ito, paano pananagutin ang Comelec?

Paano kasuhan ang Comelec ng mga biktima ng pamamaril dahil sa kuwestiyonableng pagpapairal ng gun ban?

Paano ang mga nababalda at namamatay sa pamamaril dahil sa gun ban ninyo riyan, Sixto?

Paano ring kasuhan ang Comelec ng mga partylist na idinis-qualify nito kung magdesisyon ang Supreme Court sa huli na dapat silang masali sa halalang ito?

Panahon na sigurong pag-aralan kung mananatiling impeachable officials ang mga commissioner sa Comelec upang madali silang mapanagot sa masamang sinasapit ng mamamayan dahil sa kanilang kalokohan.

Sixto! Ano ba ito?

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa 09214303333.

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply