UUBUSIN ANG SMUGGLERS

pakurot

KUNG determinado si Pangulong Benigno Aquino III na landasin ng mga Pinoy ang “daang matuwid,” desidido naman si Commissioner Ruffy Biazon, hepe ng Bureau of Customs, na ubusin ang smugglers na nagpapahirap at sumasabotahe sa ekonomiya ng ating bansa kung kaya’t hirap na umangat at umunlad.

Bagaman marami ang nais na umagaw sa kanya ng kanyang puwesto, kabilang na ang mga pinangakuan ng mga tiwaling negosyante, malaki pa rin ang tiwala sa kanya ng Pangulo dahil nga sa batid ng huli na kaakibat niya si Biazon sa kanyang mga layunin at programa.

Kaya naman nagbunga ang tiwala ni PNoy at mga Pinoy kay Biazon dahilan upang mas lalo nitong pagbutihin ang kanyang trabaho sa Aduana. Ang resulta, lahat ng klaseng palusot ay nasasakote ng mga tauhan ng BOC.

Tumataginting na P316 milyong halaga ng mga mamahaling tela at pekeng pampalasa ng pagkain ang nasakote ng mga tauhan ni Biazon matapos dumaong sa Manila International Container Port (MICP) ang dalawang forty footer container vans.

Idineklarang mga raw material sa paggawa ng sapatos at apparel ang kontrabando kung kaya’t nang ma-tsek ay kaagad na kinumpiska. Malaki ang epekto ng mga kontrabandong ito sa ekonomiya ng bansa sapagkat puro mga pekeng ang mga paninda.

Matapos ang operasyon, sinabi ni Biazon na hindi titigil ang kanyang tanggapan at pamunuan sa mahigpit na pagbabantay sa mga pantalan at daungan upang sa gayon ay hindi malusutan. Bitiw na salita pa ng komisyuner na hindi siya titigil hanggang hindi nailalagay sa likod ng rehas na bakal ang mga smuggler.

May panghahawakan ang mamamayan sa binitiwang salita ni Biazon dahil noong 2012 ay may smuggler ng “Ukay-ukay” ang nahatulan ng pagkakakulong ng Manila Regional Trial Court at isang smuggler pa ang kinasuhan sa Court of Tax Appeals.

Aba’y dapat lang na magbago na ang mga mandaraya sa pamahalaan. Ngayon pa lang ay makisama na sila sa “tuwid na daan” sapagkat may kalalagyan sila kapag nabuking ng BOC at hindi naman nila kayang aregluhin ang namumuno rito.

*****

Kahit anong linis ang gawin ng pamahalaan ni Quezon City Mayor Herbert Bautista sa creek malapit sa Seasoil sa Tandang Sora, Barangay Pasong Tamo ay mananatili itong marumi sapagkat ang mga taong naninirahan malapit dito ay hindi alam ang salitang “kalinisan”.

Walang humpay pa rin ang pagtatapon nila ng kanilang mga basura. Kailan matatauhan ang mga ito? Kapag nalunod na sila dahil sa pagbaha bunga ng mga bara na sila rin ang may gawa?

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply