WALA NA ANG MGA HAPON AT KASTILA

inton

ANG haba ng video clip na yun na nag-umpisa sa FB. Parang acting. Nag-build-up ang drama ni Propesor.

Magmula sa classroom hanggang sa paglabas niya sa room, sinusundan siya ng camera na hindi niya alam.

Nakita tuloy ng buong Pilipinas kung paano siya nambulyaw, nanghampas ng makapal na papel, nagmura sa mga estudyante nya.

May twist pa ang drama kasi may isang estudyante ang lumaban, paiyak pero lumaban ng hampas at lumaban ng bulyaw.

“Bakit kayo nananakit sir?”

Hindi nakuntento si propesor, paalis na ay bumalik pa at inakmaan na naman ang nasabing estudyante.

Malaking kahihiyan ng Montesori Professional College sa Pasay ang guro na ito na tinatawag nilang Sir Varona. Sinibak na raw si Sir.

Pero ang tanong ng marami, sinibak lang? Ano para mawala na sa responsibilidad ng school si propesor at mapagpag na nila ang tungkulin nilang mapapanagot ang guro sa kanyang kasalanan.

Kung napanood ninyo ang video, maski kayo ay maiinis.

Mainit ang ulo ng guro at pinagbabalingan ang kanyang mga estudyante.

At dahil ba matanda na si Sir, hindi na niya alam na may mga bagong teknolohiya na ngayon na pwede nang i-post sa YouTube ang masasamang asal ng mga abusadong katulad niya.

Siguro noon pwedeng makalusot ang mga ganito dahil wala naman magawa ang mga bata kung mainit ang ulo ng mga teacher.

May mga kwento ng nambabato ng eraser, mga namumukpok sa ulo at kung ano-ano pang mga bayolenteng akto.

Pero lumalaban na ang mga bata ngayon gamit ang mga makabagong paraan.

Hindi ba alam ni Sir Varona ‘yun?  Halatang sanay na ang mga estudyante sa asal ng teacher nila kasi parang propesyonal na cameraman ang kumukuha ng video sa pagsunod sa performance ni Sir.

Kung hindi n’yo pa napanood ay hanapin n’yo sa You Tube ang “abusadong propesor” ng Montessori Professional College at makikita niyo ang pang-aabuso ng guro.

Kung ano man ang nakain ni Sir noong araw na ‘yun o kung ano man ang kanyang problema sana ay natutunan na niya na hindi na uubra ang mga katulad niyang mga diktador at mga berdugo.

Iba na po ang panahon ngayon Sir, matagal nang tapos ang giyera, wala na ang mga Kastiala at mga Hapon.

Lahat tayong naririto sa Pilipinas ay mga Filipino, malaya, at may karapatang igalang, bata man o matanda.

ariel.inton@gmail.com

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply