WALANG ‘K’ NA MAGING BUCOR DIRECTOR

pakurot

ILAN sa mga kandidato na nag-apply bilang director ng Bureau of Corrections (BUCOR), na ngayon ay kasalukuyang walang nakaupo sa puwesto maliban sa Officer-in-Charge (OIC)  na bata naman ni Justice Secretary Leila de Lima,  ay mula sa tanggapan ng Philippine National Police (PNP) at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).

Matunog ang pangalan ni dating BJMP chief Dir. Rosendo Dial na alumnus ng Philippine National Police Academy Class ’86 dahil ito ang napipisil ni Secretary De Lima.

Minamanok ni De Lima si Dial na kasapi rin ng maimpluwensiyang relihiyon.

Subalit matunog din ang pangalan ni Manila Police District (MPD) director Chief Supt. Alejandro Gutierrez na posibeng palitan na sa puwesto dahil nalalapit na ang kanyang retirement age na 56.

Abril ang kaarawan ni Gutierrez na sakop na ng election ban.

Pamato ni Gutierrez sa Palasyo ang kasalukuyang alkalde ng Maynila na si Mayor Alfredo Lim.

Ngunit huwag isnabin ang isa pang heneral na kandidato sa mga nag-apply bilang BuCor Director na si Chief Supt. Franklin Bucayu, Regional Director ng Ilocos Region (Region 1) at mistah ni PNP Chief Dir. Gen. Alan Purisima sa Philippine Military Academy (PMA) Class ’81.

Sa paglutang ng pangalan nina Dial at Gutierrez bilang mga kandidato sa BuCor, marami sa kanilang mga nasasakupan at dating tauhan ang natuwa dahil kilala nila ang dalawa na maayos ang pagpapatakbo ng kanilang tanggapan at nasasakupan.

Sa BJMP, nagkaroon ng maraming pagbabago nang maupo bilang hepe si Dial kabilang na ang pagkakaroon ng sariling gusali sa Mindanao Avenue sa Quezon City at benepisyo para sa mga tauhan nito.

Gayundin sa MPD kung saan nagagalak ang mga tao na kasama si Gutierrez sa bumabaril na makuha ang puwesto ng dati ring director ng MPD na si Gen. Ernesto Diokno.

Mayroon din namang natutuwa na kandidato si Bucayu bilang director ng pambansang piitan at iyon ay mangilan-ngilan sa kanyang nasasakupan.

Iyong tipong nais lang talaga siyang mawala sa kanilang paningin.

Ayon sa isang empleyado ng Department of Interior and Local Government (DILG), hindi nga kayang patigilin ni Bucayu ang  jueteng sa kanyang nasasakupan sa Ilocos Region tulad ng Pangasinan at Ilocos Sur, aambisyunin pa ba niya ang patinuin ang mga preso na nasa pambansang piitan?

Hindi kaya naman kayang-kaya siyang suhulan ng mga mayayamang preso na nakapiit sa NBP dahil sa paggawa ng heinous crime?

Hindi na puwede ang tawag-tawag sa mga mistah kapag nagkaproblema sa BuCor dahil hindi naman ito sakop ng PNP kaya makabubuting manahimik na lang si Bucayu.

Hindi bagay sa kanya ang maging puno ng pambansang piitan dahil hindi naman niya kayang magpatino ng mga tao.

Ang mga preso ay hindi katulad ng mga gambling lord na madaling kausapin at takutin na hindi makapag-operate kapag hindi nagbigay ng “goodwill money” at “protection money.”

Hay naku, mabuti na lang at hindi naging manok ni Purisima ang kanyang mistah na si Bucayu para maging BuCor director dahil tiyak na mapapahiya lang ang una kay Pangulong Benigno Aquino III kapag ito ang naupo sa puwesto.

Wala kasing ‘K’ as in karapatan.

Bakit? Marami kasing pinakikialaman si Bucayu na hindi  niya naman trabaho.

Ang resulta, problema at sakit ng ulo.

Nais ba ninyong ibahagi ang inyong karanasan sa opisyal at tauhan ng pulisya o pamahalaan at pribadong indibidwal? Maaari kayong mag-text sa 09215175814 o mag-email sa Santi_lean11@yahoo.com.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply