WALANG PALUSOT

pakurot

MARAMING reklamo ang mga negosyante at broker na mabagal o nawawala ang papeles nila sa Bureau of Customs kaya nga marami sa kanila ang napipilitang lumapit na sa ilang tiwaling empleyado ng ahensiya na nagiging daan upang maging biktima sila ng katiwalian.

Kaya nga pinagsumikapan ni BOC Commissioner Ruffy Biazon na maging fully automated na ang operasyon ng kanyang pinatatakbong tanggapan upang matiyak na maayos ang proseso at mapatindi ang laban sa smuggling at siyempre, sa katiwalian.

Nais ni Biazon na maipatupad ang bilin ni Pangulong Benigno Aquino III na kailangang mapaangat muli ang integridad ng BoC bukod pa sa maayos na seguridad at daloy ng trabaho.

Kaya naman ang computerization program ng ahensiya ay sinimulan sa Port of Manila at Manila International Container Port. Ito ang sagot sa pagdagsa at kawalan ng ayos sa mga transaksyon sa BoC na matagal nang pinoproblema sa mga pangunahing pantalan.

Ipatutupad din ang electronic monitoring system sa iba’t ibang pangunahing pantalan sa bansa kung saan makikita kaagad ang impormasyon tulad ng Entry Number, Status Section Number, Time at Remarks ng dumarating na shipments sa pier.

Ang brokers at stakeholders ay ‘di na papayagang pumasok sa lugar ng Formal Entry Division kundi maglalaan ng kiosk upang doon sila makapag-check ng status ng kargamento.

Kaya naman nang sumaksi si Pangulong Noynoy sa pagbubukas ng Broker’s Lounge noong ika-110 anibersaryo ng BoC ay hindi naiwasang humanga siya sa nakitang reporma na ipinatupad ni Biazon. Layon ng mga pagbabago na tuluyang mawala na ang red tape at corruption na ipinaglalaban ng “tuwid na daan” ni PNoy at mabawasan ang mga proseso na nagpapahirap sa mga lehitimong kapitalista upang sa gayon ay ‘di lang ito maging world class kundi mapagkakatiwalaan pa ng mga tao.

Aba’y kapuri-puri nga ang ginagawa ni Biazon. Dapat lang hangaan at papurihan ang mga taong ganito ang ginagawang pagsisilbi sa pamahalaan.

* * * * * * * * * * * *

PATULOY ang pagsusumamo ng texter na residente ng Tandang Sora sa Pasong Tamo sa lungsod ni Quezon City Mayor Herbert Bautista  na sana’y umaksyon naman ang pamahalaan hinggil sa mga basurang nakabara sa creek malapit sa Seaoil. Hindi man lang umano ito binibigyang pansin ng mga konsehal ng distritong nakasasakop.

Naku, dapat sigurong magkaisa ang mga residente na huwag tangkilikin at iboto ang mga trapong kilala lang kayo kapag kailangan ang inyong boto. Kayo naman ang bumawi sa mga politikong puro pangako pero kapag nasa puwesto na nakapako na ang mga pangako.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply