WINNING BIDDER SA NAIA INAAGAWAN NG KONTRATA

Allan-Encarnacion-mano_mano-web-copy

HINDI pa rin nagsasawa ang mga bata ni Noynoy sa pagdaan sa tuwid pero lubak-lubak na daan.

Noong nakaraang taon ay tinangkang agawin ang kontrata para sa mahigit tatlong daang milyong pisong firetruck mula sa lehitimong winning bidder.

Sa kagustuhang agawin ng mga apelyidong tunog Chinese na kaibigan nina Noynoy  at Secretary Mar ang kontrata, naidulto ang proseso ng pagbibigay ng Notice of Award kaya ngayong paparating na naman ang fire prevention month, asahan na natin ang matinding problema sa kakulangan ng mga firetruck ng mga bumbero.

Hanggang sa matapos ang taong 2012, naglahong parang bula ang mahigit animnapung unit ng trak ng bumbero para sana mapalakas ang paghahanda sa panahon ng mga sunog.

Ang sumunod nilang lubak na dinaanan ay ang pagbili ng halos isang bilyong pisong halaga ng baril ng mga parak.

Kahit sablay ang mga dokumento ng Trust Trade at Gloc Asia, ibinigay na ang kontrata.

Bukod sa mga dispalinghadong mga document, sandamukal na palpak din ang nakita sa actual testing pero just the same, tuloy ang ligaya ng mga buwaya.

Ang isa pang balita natin ngayon ay ang pag-aalburuto ng isang kompanya sa NAIA na nakakuha ng kontrata para sa pagpapalit ng dilapidated na conveyor sa airport at paglalagay ng mga CCTV sa mga paliparan.

Kung bakit maraming nangyayari sa aiport na hindi nakukunan ng CCTV dahil ang mga naka-install ngayon na camera ay para lang ata sa video karera.

Kaya nga iyong umbagang Tulfo at Claudine ay hindi nakunan ang tunay na pinagmulan dahil sira lahat ang CCTC sa airport.

Nito lang isang araw ay dumating ating kaibigan sa NAIA mula sa Estados Unidos.

Mahigit dalawang oras bago nila nakuha ang bagahe dahil iyong conveyor ay parang pedicab na kailangan pang ipidal at tadyakan bago umandar ang makina.

Iyon sana ang aayusin ng kompanyang nanalo pero hanggang ngayon ay hindi rin nila makuha ang Notice of Award dahil may mga gusto na namang umagaw ng kontrata.

Ayon sa ating source, Avesco ang nanalo sa kontrata pero mas gusto nilang manahimik kahit inaapakan sila dahil sa takot na mapag-initan ng mga walanghiya sa gobyerno.

Salamat sa matuwid na daan, Mr. President.

allanpunglo@yahoo.com

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply