1 patay, 8 nakaratay sa leptospirosis sa Davao City

NAMATAY ang isang lalaki sa sakit na leptospirosis sa lungsod ng Davao.

Ang pagkamatay ay kinumpirma ni Davao City Health Office Chief Dr. Josephine Villafuerte habang walo pa ang nakaratay sa pagamutan na iniulat na timaan ng nakamamatay na sakit.

Kinilala ng doktor ang biktimang si Romualdo Paña, 52-anyos, na namatay noong Sabado ng tanghali.

Ayon sa mga kaanak ni Paña, ang karamdaman ay nakuha ng biktima nang lumusong sa tubig baha na aabot sa baywang noong binaha sila dalawang linggo ang nakalilipas. Mayroon umanong sugat sa paa si Paña habang naglilinis sa binahang bahay.

Matapos lagnatin, si Paña na mismo ang nagdesisyon na pumunta sa ospital ngunit matapos ang dalawang araw ay lumala ang sakit hanggang sa namatay din ito.

Ayon kay Villafuerte, nakitaan ng sintomas ng leptospirosis si Paña tulad ng matinding lagnat.

Samantala, aabot na sa walo ang nagpositibo sa Davao City kasunod ang matinding pagbaha doon noong Enero 22.

Halos lahat ng biktima umano ay lumusong sa tubig makaraang sinalanta ng baha ang kanilang lugar.

Nagbigay na rin ang City Health Office ng prophylaxis sa mga evacuation center para matiyak na ligtas sa leptospirosis ang mga nagsilikas doon.

Payo ng mga doktor, agad kumunsulta sa mga ospital sakaling lagnatin, mamula ang mata at magsusuka.

Patuloy naman ang monitoring ng City Health Officers sa mga posibleng may leptospirosis sa mga binahang barangay at sitio sa Davao City.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply