2 lider ng drug group, 5 pa arestado

crime10

BUKOD sa iligal na droga, nasamsaman din ng mga baril at bala ang dalawang lider ng Dawamii-Banguih Drug Group kasama ang limang tauhan nila sa isinagawang buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police (PNP) sa Zamboanga del Norte.

Ayon kay PDEA Director General Undersecretary Arturo G Cacdac, Jr. aksidenteng nasugatan sa kanyang paa ang isa nilang tauhan ng aksidenteng pumutok ang baril habang nakikipagbuno sa mga nahuling suspek na kinilalang sina Esnani Dawami, 36, fish dealer at Ebarley Banguih, alias Lalang, 46, nagtatrabaho sa water district at kapwa lider ng Dawami-Banguih Drug Group na nag-ooperate sa Zamboanga del Norte. Kapwa kasama sa target ng PDEA sa Region 9 ang mga suspek.

Isinagawa ang operasyon noong February 1, 2013, matapos makipagtransaksiyon sa dalawang suspek ang poseur buyer ng PDEA-RO-9 sa bilihan ng droga sa kanilang bahay na ginagawa din umanong drug den sa Barangay S. Arabi, Siocon, Zamboanga del Norte.

Matapos umanong magkaabutan, dinamba ng mga awtoridad ang mga suspek ngunit nagpipiglas umano si Banguih hanggang aksidenteng pumutok ang baril ng isang agent na tumama sa kanyang paa.

Nahuli ang limang tauhan ng dalawa na sina Tamano Esmali, 43; Shaira Banguih, 29; Hazien Banguih, 19; Nur Hussin Banguih, 23; at Jerson Balian, 26. Nakatakas naman ang dalawang iba pa nakilalang sina Judith Banguih and Sid Abdurahman.

Nakumpiska ng mga awtoridad ang mga drug paraphernalia, tatlong kalibre .45 pistola, 37 piraso ng bala ng kalibre .45, 8 basyo ng bala at 8 cellphone sa loob ng drug den.

Pansamantalang nakapiit sa PNP Zamboanga del Norte Provincial Office detention facility ang pitong suspek habang kinasuhan ang mga ito ng paglabag sa Section 5 (Sale of Dangerous Drugs), in relation to Section 26 (Conspiracy), Section 6 (Maintenance of a Drug Den) at Section 12 (Possession of Drug Paraphernalia), Article II ng  Republic Act 9165, o Comprehensive Dangerous Act of 2002, at karagdagang kasong paglabag sa PD 1866 (Illegal Possession of Firearms), at  RA 8294 o Comelec gun ban.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply