Cash-for-work para sa mga sinalanta ng Bagyong Pablo, kinondena ng grupong Kadamay

kadamay

KINONDENA ng grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap o Kadamay ang cash-for-work program para sa mga sinalanta ng Bagyong Pablo.

Ayon sa grupo, hindi panandaliang mga programa tulad ng cash-for-work ang kailangan ng mga kakabayan nating nasalanta ng Bagyong Pablo sa Mindanao.

Ngayong linggo ay target simulan ng pamahalaang panlalawigan ng Davao Oriental katuwang ang World Food Program ang pagpaparehistro ng mga benepisyaryo ng cash-for-work program ng gubyerno sa mga bayan ng Cateel, Baganga at Boston.

Sa ilalim ng nasabing programa, ang isang magsasaka ay maaring magtrabaho sa loob lamang ng 10 araw sa 1 ektarya ng palayan sa sahod na P226 kada araw, o 75% ng minimum wage na itinakda ng Regional Tripartite Wage Regulatory Board. Ang sasahurin ng mga magsasaka ay mula sa mga donasyon na nagkakahalagang $400,000 at nakalap mula sa iba’t ibang donor countries .

“Hindi panandaliang trabaho at kakarampot na sahod na magmumula pa sa mga donasyong dapat ay direktang ipinamamahagi ang kailangan ng mga nasalanta nating kababayan sa Mindanao,” ani Gloria Arellano, pambansang tagapangulo ng Kadamay.

Ayon pa sa lider, dapat pangmatagalan solusyon ang sinisipat ng gubyerno para sa rehabilitasyon ng kabuhayan ng aabot sa 2 milyong magsasakang direktang sinalanta ni Pablo. Tulad umano ng pagsasara sa malalawak na plantasyon ng mga for-export na saging at niyog sa Mindanao at pamamahagi ng mga lupain sa mga nagugutom na magsasaka.

“Gayung isang tunay na repormang agraryo ang matagal ng panawagan ng mga magsasaka sa Mindanao, ito rin ang magtitiyak sa kanila na magkaroon ng permanenteng mapagkukunan ng pagkain at kabuhayan, at tuluyan makaahon mula sa trahedyang dulot ng Bagyong Pablo,” ani Arellano.

Pagpapanagot sa salarin ng trahedya

Wala pa rin umanong hustisyang tinatamasa ang mga biktima ng trahedya at kanilang pamilya dalawang buwan matapos ang naging pananalasa ng Bagyong Pablo, ayon sa grupo.

“Kung meron mang dapat kasuhan kaugnay sa trahedya ng bagyong Pablo, hindi ito ang mga biktima kundi dapat gubyerno mismo na nagpahintulot ng malawakang pagtotoroso at pagmimina sa mga lugar na pinakamatinding nasalanta ng bagyo,” ani Arellano matapos kasuhan ng awtoridad ang ilang biktima at lider ng mga organisasyong nanguna sa higit 10-oras na pagbabarikada sa highway sa Montevista, Compostela Valley noong Enero 15 upang ipahayag ang kanilang galit sa gubyerno.

“Liban pa sa kakapusan ng gubyerno na tiyakin ang mabilis na pagbangon ng mga kakababayan nating direktang sinalanta ng bagyo, dapat managot ang administrasyong Aquino sa pagpapatindi ng mga operasyon ng mga large-scale mining at logging sa Mindanao na nagpalala sa epekto ng bagyo,” ani Arellano.

Ayon sa Kadamay, sa ilalim ni Aquino 16 na permit ang ibinigay ng gubyerno sa mga malalaking dayuhan at lokal na logging companies sa ilalim ang Integrated Forest Management Agreements o IFMA. Kabilang na sa mga kumpanyang ito ang Matuguina Integrated Wood Products Inc, Picop Resources Inc at La Fortuna Mahogany Inc.na bingyang permiso ni Aquino na kalbuhin ang 82,443 ektaryang kagubatan sa Baganga, Cateel, Caraga at Manay sa Davao Oriental.

Ang mga nabanggit na munisipiladad ang pinakamatinding naapektuhan ng Bagyong Pablo.

Dagdag pa ng grupo, malaki rin ang pananagutan ni Aquino sa paglalabas ng Executive Order 79 na higit pang nagpatibay sa operasyon ng mga dayuhang large-scale mining operation sa bansa at nagpatindi sa epekto ng Mining Act of 1995, dagdag ng lider.

Sa taya ng Bayan-Southern Mindanao, aabot sa 2,000 ang mga nasawi at nawawala sa pananalasa ni Pablo. Nasa 2 milyong kababayan natin ang nawalan ng kabuhayan sa pagsira ng malalawak na plantasyon ng saging at niyog sa Mindanao, at ngayon ay nakaasa sa donasyon upang makakakain.

Patuloy na pagpapahirap

Kinondena rin ng Kadamay ang militarisasyon sa mga komunidad at pagbabanta sa mga magsasaka na tatanggalin sila sa listahan ng mga benepisyaryo ng Conditional Cash Transfer ng gubyerno kung lalahok sila sa protesta tulad ng isinagawang barikada noong Enero 15.

Sa balangkas umano ito ng kontra-insurhensyang programa ni Aquino na Oplan Bayanihan.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply