Epalitikos binalaan ng Comelec na idi-diskuwalipika

brillantes

BUNSOD nang nalalapit nang panahon ng kampanya para sa May 13 midterm elections, nagbabala ang Commission on Elections (Comelec) sa mga ‘epalitiko’ na idi-diskwalipika ang mga ito sa halalan kung hindi mabibigong tanggalin ang lahat ng kanilang mga poster at tarpaulin sa mga lansangan bago magsimula ang campaign period.

Kasabay nito, inamin ni Comelec Chairman Sixto Brillantes Jr. na maraming kandidato ang naging epalitiko at nagsamantala sa premature campaigning dahil hindi na ito ikinukonsiderang election offense ng Korte Suprema.

Gayunman, aniya, sa sandaling nagsimula na ang campaign period ay maaari nang sampahan ng Comelec ang mga epalitiko ng diskwalipikasyon.

Tiniyak rin ni Brillantes na tututukan nila at kakasuhan ang lahat ng mga kandidatong lalabag sa campaign rules.

“Okay, abusuhin ninyo nang kaunti ‘yan. Take advantage of it now. Pero kapag umpisa naman ng campaign period, kayo naman ho ang magbantay sa amin. Kami naman ay tututukan namin lahat ng mga violation na ‘yan, kami naman ang maghihigpit. Kaya naman kami maghihigpit sinasabi ko paulit ulit, kasi medyo naaabuso ng kaunti ‘yung pagkawala ng premature campaigning. So kaunting bawi sa amin naman,” babala pa ng poll chief.

Sa ngayon, aniya, ay nagsisimula na ang Metro Manila Development Authority at

Department of Public Works and Highways na magtanggap ng mga posters at tarpaulins ngunit kung hindi umano ito matatanggal lahat ay ang mga kandidato mismo na nakalagay dito ang siyang mananagot.

“Pero sabi ko kung hindi nila (MMDA at DPWH) matanggal lahat ‘yan (posters at tarpaulin), binibigyan natin ng warning ‘yung mga kandidato mismo. Kapag hindi nila tinanggal ‘yan at the start of the campaign period, sila ho ang lalabas na may violation,” ani Brillantes.

Idinagdag pa nito na hindi maaaring idahilan ng mga kandidato na hindi sila ang naglagay ng mga posters at tarpaulin sa lansangan lalo na’t mukha nila ang nakalagay sa mga ito.

“Mayroon po tayong presumption na kung mukha niyo ang nakalagay, kayo ho ang naglagay niyan. Lumang style na ho ‘yun. ‘Kalaban namin ang naglagay niyan,'” aniya pa.

Ang campaign period para sa national candidates ay magsisimula na sa Pebrero 12 habang ang sa mga local candidates naman ay nakatakdang magsimula sa Marso 29.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply