GASTOS LANG ‘YAN

inton

PAMINSAN-MINSAN magandang sumakay ng taxi para lang makuha ang sentimyento ng drivers na araw-araw nasa kalye dahil sa trabaho. Kahit sino nakapapansin na isa ang taxi drivers na may pinakamaraming opinyon tungkol sa samu’t saring bagay sa lipunan.

Ang iba pa sa kanila kung magpahayag ng damdamin ay puno ng emosyon at handang makipaglaban sa katotohanan ng kanilang mga pananaw.

Nang pumunta sa Davos, Switzerland, si Pangulong Noynoy Aquino nito lang nakaraang linggo para lumahok sa pandaigdigang pulong ng World Economic Forum (WEF) may mga kababayan tayong mga taxi driver ang nagsasabi na “gastos na naman” o “gastos lang ‘yan”.

Nabasa yata nila o narinig kung saan ang kwenta ng gastos ng buong byahe ng Pangulo sa Davos sampu ng mga kasama nito. Parang P49M daw yata ang gastos sa pamasahe at sa halos 5 araw na pamamalagi sa Switzerland.

Napakalaking pera nga naman kung pakikinggan lalo para sa ating mahihirap, pero dapat din tingnan ng ating mga kababayan ang benepisyo ng mga byahe sa ibang bansa ng mga opisyal ng ating gobyerno, lalo na ang Pangulo.

Nang dumating ang Pangulo, naiulat na rin ang mga nahita natin mula sa byahe ni PNoy sa Davos.  Nagsalita si Pangulong Aquino sa Davos at malaking karangalan ito para sa atin bilang bansa kahit na papaano.

Ibig sabihin ay mahalaga para sa mga kapitbahay nating mga bansa ang malaman ang ating kwento at marinig ang tinig ng ating bansa tungkol man ito sa pagsisikap nating maiangat ang ating ekonomiya o tungkol man sa laban natin sa korapsyon.

Nasa center stage ang Pilipinas nang magtalumpati si PNoy. At ang ilang resulta nito ay ang pag-angat natin sa kamalayan ng mga lider ng ibang nasyon at maaaring maisip nila tayo para sa pamumuhunan nila o investment o maging sa turismo.

Naging pagkakataon din ang pagbisita ni PNoy doon para mapasalamatan ng personal ang mga OFW nating mga kababayan na alam naman nating siyang tungkod natin sa pagsisikap nating umangat ang buhay ng mga kababayan natin sa bansa.

Sa kabuuan, si PNoy ang isa sa pinakaepektibong salesman ng bayan. Sana marami ngang investors ang pumunta pa sa atin para mamuhunan pagkatapos na ikwento ni PNoy sa kanila ang mga pagsisikap natin at ang pangangailangan natin ng kanilang puhunan at negosyo.

Ang tagumpay ni PNoy sa Davos ay para sa kapakanan ng buong bayan.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply