HINDI TUMPAK BAGAMA’T TAMA

square-nelson-flores

HINDI tumpak bagamat “tama” ang Manila Metropolitan Trial Court sa pasya nito na ideklarang may sala si Carlos Celdran sa kasong pananakit ng damdaming panrelihiyon laban sa kanya dahil ang pinagba-tayan nito ay ang paurong (at palagay ko ay labag sa Saligang Batas) na probisyon ng ating Revised Penal Code (RPC) ukol sa “religious feeling”.

Ika nga sa Ingles: “The court is right but it is definitely not correct.”

Makitid at malinaw na konserbatibo ang basa ni Judge Juan Bermejo Jr. sa Artikulo 133 ng RPC na nagpaparusa sa gagawa ng aksyon na makasasakit o makasasama sa damdaming panrelihiyon ng mga mananampalataya sa loob ng ba-hay-sambahan o sa isang kasiyahang panrelihiyon.

Bukod dito, puno ng panganib ang desisyon ni Bermejo laban sa malayang pamamahayag lalo na kung ito ay may kaugnayan sa relihiyon. Kung pagbabatayan ang lohika ng kanyang desisyon ay mabibilanggo ang lahat ng kontra at nagpapahayag sa publiko ng pagtutol sa posisyon ng isang relihiyon. Masahol pa ito sa libelo.

Halimbawa, hindi na maaaring magsalita pa ang taumbayan kung nakikita nila na mali o hindi sila sang-ayon sa punto ng isang simbahan sa isang isyu ng panahon dahil ito ay makasasakit sa damdaming panrelihiyon ng mga saradong mananampalataya. Hindi na rin puwedeng magsalita ang mga pari, pastor o ministro ng mga bagay na maaaring taliwas sa paniniwala ng katunggaling relihiyon sapagkat ito ay makasasakit din ng kanilang damdamin.

Bukod sa kontra ito sa malayang pamamahayag, isa ang Artikulo 133 sa mga kwestyunableng probisyon dahil malinaw na taliwas ito sa prinsipyo ng paghihiwalay ng simbahan sa estado o ‘separation of church and state’ dahil sa pagbibigay pabor nito sa relihiyon. Ito ang dahilan kaya ko ipinapalagay na laban ito sa ating Konstitusyon.

Ano kaya ang ginamit na batayan ni Bermejo para sukatin ang kalidad ng sakit o sama ng loob na naramdaman daw ng mga mananampalatayang Katoliko Romano sa ikinilos ni Celdran? May palagay ako na ang sukatan na ginamit ni Bermejo sa pagpapasya ay nagmula sa sinabi ng Simbahang Romano Katoliko.

Ang totoo niyan, walang dapat pinagbatayan si Bermejo para sabihing nakasakit ng damdaming panrelihiyon si Celdran dahil walang batas na nagbibigay-sukat sa mga damdamin, anomang uri ito. Malinaw na pumabor siya sa isang relihiyon, na sa pagkakataong ito ay ang makapangyarihang Romano Katoliko.

Matatandaan na nagsagawa ng protesta si Celdran sa loob ng Katedral ng Maynila nong Setyembre 30, 2010 habang nakadamit na ala Dr. Jose Rizal at tangan ang isang poster kung saan nakasulat ang pangalang “Damaso.” Kinondena ni Celdran ang pakikialam ng Simbahang Romano Katoliko sa pamahalaan lalo na ang pagtutol nito sa Reproductive Health.

Si Damaso ay isang paring mapagmalabis sa nobela ni Rizal na labis na kinamuhian ng bayan.

*****

Kung ibig ninyong maligo sa hot spring pumunta kayo sa Infinity Resort, Indigo Bay Subdivision, barangay Bagong Kalsada, Lungsod ng Calamba. Malapit lamang sa Kalakhang Maynila at mula sa resort na ito ay tanaw ninyo ang banal na bundok Makiling.

Tawagan ninyo si Gene Lorenzo sa 09063555560 para sa karagdagang impormasyon.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply