KASAMBAHAY LAW PAMPAGULO LANG

burdado-jun-briones2

SANG-AYON tayo, parekoy, sa batas na dapat ay bigyang pansin ang kalagayan ng ating mga kasambahay.

Gaya ng pagtataas ng kanilang mga sahod, pagbibigay ng day-off, pagkakaloob ng tamang oras ng pamamahinga at karapatang umalis kahit wala pang kapalit lalo na kung minamaltrato sila at iba pa. Pero rito sa mga nakasaad sa “Kasambahay law” na nakatakdang ipatupad sa
mga darating na araw ay naging masalimuot.

Gaya na lamang ng mga ito: Obligasyon ng amo na pag-aralin ang kasambahay na gustong mag-aral. Huwag nang pag-usapan, parekoy, ang gastusin sa pag-aaral ng kasambahay, pero hindi ba naisip ng gumawa ng lintek na batas na ito na ang amo na tuloy ang gagawa ng mga gawaing bahay dahil nasa iskul pa ang kasambahay?

Pagdating naman mula sa iskul, lalo kung gabi na, ay dapat na siyang magpahinga, kundi ay lalabag sa batas ang amo!

Eh di para lang kumuha si amo ng batong ipupukpok sa kanyang ulo! Hak, hak, hak!

Ito pa: Ang kasambahay ay dapat may Philhealth at SSS.

Eh, paano kung mismong ikaw na amo ay wala nito?

Dapat daw ay tiyaking malinis ang kwartong tutulugan ng kasambahay, eh, paano kung siya mismo ang dugyot?

At dahil sa kanyang katamaran ay pinamugaran na ng ipis at daga ang kanyang kwarto, mananagot ba ang amo sa batas?

Ibig kong sabihin, parekoy, concerned tayo sa kalagayan ng ating mga kasambahay, pero kung lumabis naman ang mga karapatang iniaalay sa kanila nitong “kasambahay law” na ito, tingin ko ay lalo lang gugulo!

Ganito, parekoy. Paano ‘yung matatagal nang kasambahay at halos ay bahagi na ng pamilya?

Kung hindi ba kayang ibigay ng amo ang ayon dito sa bagong batas ay paaalisin na lang si kasambahay?

Halimbawang nagkasundo sila na ‘yung dating arrangement pa rin, pero pagdating ng araw ay nagalit si kasambahay at nagdemanda dahil hindi nasunod ang bagong batas?

Ito pa. Paano kung P4,000 ang ipinasasahod ko ngayon (kahit P2,500 lang ang prov’l. rate) at  hindi ko kayang ikuha ng SSS at Philhealth?

Paano kung walang Philhealth pero ako naman ang nagpapagamot kung may sakit ang aking kasambahay?

Ilan lamang ‘yan, parekoy, sa mga masasalimuot na probisyon ng “kasambahay law” na sa tingin ko ay dapat munang busisiing mabuti kapag ginawa na ang Implementing Rules and Regulation (IRR).

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply