KONSUELO DE BOBO

square-nelson-flores

KONSUELO de bobo na lang ang naiulat na pagpapatawad ng Catholic Bishops Conference of the Philippines kay Carlos Celdran kaugnay sa ginawa raw nitong “pananakit ng damdaming panrelihiyon” noong kasagsagan ng debate tungkol sa Reproductive Health Law sapagkat sa kabila nito ay ipinagpatuloy pa rin nila ang walang kwentang demanda laban dito.

Aba, kung hindi pagmamatigas at pagbabalandra ng kapangyarihan ang ginawang pagdedemanda ay hindi ko na alam kung ano ito. Ito ‘yung pagkakataon na dapat nagpakita ng compassion o malalimang pang-unawa ang mga prinsipeng ito ng simbahan kay Celdran pero hindi nila sinamantala ang pagkakataon na maiparamdam sa kanya ang birtud ng pagpaparaya at pag-ibig sa kapwa.

Bagkus umakto sila na parang nasa panahon pa rin ng inquisition ang Pilipinas na hindi puwedeng salingin ang kanilang katayuan sa lipunan. Naging bato ang kanilang mga puso at tiniyak ang pagsingil kay Celdran.

Ang totoo niyan, sa palagay ko ay talagang dinibdib lang ng mga Obispo at mga bulag na taga-sunod ng mga ito ang ginawa ni Celdran na pagpapaalala sa bayan sa kabuktutan ng Simbahang Romano Katolika noong panahon ng Kastila laban sa atin.

Matatandaan na nagsagawa ng protesta si Celdran sa loob ng Manila Cathedral noong ika-30 ng Setyembre 2010 habang nakadamit na ala-Dr. Jose Rizal at tangan ang isang poster kung saan nakasulat ang pangalang “Damaso.” Sa nobela ni Rizal, si Damaso ay isang kathang pari na naging simbolo ng pagmamalabis ng simbahan laban sa ating bayan.

Kinokondena ni Celdran ang pakikialam ng Simbahang Romano Katolika sa pamahalaan lalo na ang pagtutol nito sa Reproductive Health bill, na ngayon ay batas na. Pero wala siyang sinabing masama laban sa katuruan ng simbahan.

Oo tama na maraming nabas-tusan at hindi sumang-ayon kay Celdran sa moda ng kanyang protesta pero hindi ito nakasira sa pananampalataya ng mga mananampalataya. Hindi ito naging kawalan para sa simbahan bagkus ay maaring naging kasiraan pa ito kay Celdran dahil marami rin ang hindi pumabor sa kanyang manhid na gimik.

Pero tanong sa akin ng isang dating kasama, kailan ba hindi naging bastos para sa mga nasa poder ang mga kilos protesta? ‘Yun nga ang esensya ng pagkilos, ang mapuna ng mga nasa poder at napuna nga si Celdran, nademanda pa.

Malinaw na hindi paninira sa pananampalatayang Romano Katolika ang ginawa ni Celdran at ni hindi ito panunuligsa sa katauhan ng mga prinsipe ng simbahan. Banat ito sa kanilang walang habas na pakikialam sa pamamalakad ng estado.

‘Yan ang buod ng protesta ni Celdran kaya malinaw na mali ang hatol ni Manila Metropolitan Trial Court Judge Juan Bermejop na may sala si Celdran.

Hindi kataka-taka na babaligtarin sa apela ang desisyong laban kay Celdran.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply