Pag-iimprenta ng balota sa halalan 2013, umarangkada na

ballot

SINIMULAN na ng Commission on Elections (Comelec) ang pag-iimprenta ng mga opisyal na balota na gagamitin nila para sa May 13 midterm elections.

Ayon kay Comelec Spokesman James Jimenez, bagamat bahagyang naantala ay natuloy din ang pag-imprenta sa itinakdang iskedyul nito na Pebrero 4.

Sinabi ni Jimenez na dakong 10:45 na ng gabi nang masimulan ang pag-iimprenta ng mga balota dahil hindi kaagad nakumpleto ang template na naglalaman ng mga imahe ng ililimbag na balota.

Paliwanag niya, nagtagal ang loading ng mga imahe sa Cabuyao, Laguna kaya’t hindi ito kaagad nadala sa National Printing Office (NPO) kung saan ito iimprenta.

Ani Jimenez, halos 2,000 ballot faces ang kailangang i-load sa sistema kaya’t unang inakalang hindi ito masisimulan nitong Lunes.

Sinabi naman ng NPO na walang nangyaring aberya sa unang gabi ng pag-iimprenta ng mga balota.

Ayon kay NPO Printing Committee Chairman Dulce Sagle, nais lang nila na mas maging malinaw ang pag-iimprenta ng logo ng Comelec kaya bahagyang huminto ang operasyon ngunit agad ding nagpatuloy ang pag-iimprenta ng tatlong bagong makina ng ahensya.

Kaugnay nito, kumpiyansa naman ang NPO na kung hindi magkakaaberya ay matatapos nila nang mas maaga pa sa itinakdang deadline na Abril 25 ang pag-iimprenta ng 52,014,648 balota.

Ani Sagle, target nilang makapag-imprenta ng 600,000 hanggang isang milyon kada araw.

Sa ngayon, aniya, ay unang iniimprenta ang mga balota para sa Cotabato.

Magtutuloy-tuloy rin aniya ang kanilang operasyon at tanging Biyernes Santo lamang sila magpapahinga.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply