Paglago ng GDP ng bansa, panaginip lang

oscar-cruz-3

NANINIWALA ang isang arsobispo ng Simbahang Katoliko na isang panaginip lang ang ipinagmamalaki ng Malakanyang na paglago ng gross domestic product (GDP) at ekonomiya ng Pilipinas.

Ang pahayag ni Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz  ay kasunod ng pahayag ng Malakanyang na lumago ng 6.6% ang GDP ng bansa.

Ayon kay Cruz, walang katotohanan na tila langit ang kalagayan ng Pilipinas ngayon dahil sa magandang takbo ng ekonomiya.

Binigyang-diin pa ng arsobispo na panaginip lamang ang sinasabing paglago ng GDP at ng ekonomiya dahil kitang-kita ang laganap at nararanasang kahirapan ng bansa na dulot ng korapsyon partikular sa mga institusyong dapat nagtatanggol at nangangalaga sa kapakanan ng mamamayan.

Nagpahayag din ito ng kalungkutan dahil kapag ibang bansa ang nagbibigay ng pag-aaral sa kalagayan ng Pilipinas ay tila nakaka-awa ang buhay ng mga Pinoy.

“Nakakalungkot pong sabihin na bagaman yung ating Pangulo at kanyang mga kaalyado, panay sinasabi halos langit na itong Pilipinas, kapag po talaga mga ibang bayan ang nagbibigay ng pagpapasya tungkol sa kalagayan natin, talaga pong nakakaawa tayo, at hindi naman po malalim na kaisipang yun, iba po yung kinukuwento ng mga taga-Malakanyang at iba naman po talaga ang nangyayari sa ating kapaligiran,” ayon pa kay Cruz, sa panayam ng church-run Radio Veritas.

Samantala, naniniwala naman si Sorsogon Bishop Arturo Bastes na mayayaman at mga negosyante lamang sa bansa ang nakikinabang sa pag-unlad ng ekonomiya ng bansa.

Ayon kay Bastes, tumataas man ang antas ng ekonomiya ng bansa, ngunit hindi naman aniya talaga ito ramdam ng mga mahihirap kundi nasa kapakinabangan lamang ng mga maiimpluwensyang tao sa lipunan.

Nagpapakita lamang aniya ito ng hindi pagkakapantay-pantay sa antas ng buhay maging sa pamamahagi ng yaman sa mamamayan.

Kaugnay nito, pinayuhan ni Bastes ang gobyerno na hindi makabubuting ilahad lamang nang ilahad ang magandang nangyayari sa ekonomiya, kundi ipakita rin kung saan napupunta ito at paano mapakikinabangan ng lahat at hindi lamang ng iilan.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply