PERA-PERA AT PROSTITUSYON SA ANTI-CYBERCRIME LAW

benny antiporda

MAGSIMULA sa alas-12:01 ng hatinggabi sa Pebrero 5, 2013, paiiralin na ng gobyerno ang anti-cybercrime law.

‘Yan ay kung hindi palalawigin ng Supreme Court ang inisyu nitong Temporary Restraining Order laban sa nasabing batas.

Sabi pa ng ilang eksperto sa batas, kahit wala pang umiiral na implementing rules and regulations nito, maaaring umaksyon na ang mga kinauukulan, gaya ng Department of Justice, sa mga sumbong kaugnay ng mga krimen na nais pigilan o bigyang-parusa ng batas.

ARESTO AT KULONG

Kapag sinasabi nating pupuwede nang umaksyon ang DOJ at iba pang awtoridad, pupuwede ka nang arestuhin at ikulong batay sa suplong ng isang “biktima.”

Pati ang mga nag-like, nag-share at nag-follow sa iyong ibinalita, kuro-kuro o litrato, drawing o anomang iyong inilabas sa internet ay pupuwede ring maaresto at makulong.

Kasabay nito ang pagsasara ng iyong account sa networking sites o pagsasara mismo ng iyong website, kung mayroon man.

At mismong ang DOJ ang inatasang magsara kaagad kahit walang order mula sa hukuman.

BANK SECRECY AT CYBERCRIME LAW

May nakatatakot na pinag-usapan sa oral argument sa Supreme Court kaugnay ng anti-cybercrime law.

Mukhang sisirain ng anti-cybercrime law ang bank secrecy law.

Hindi kasi malinaw kung hanggang saang impormasyon sa bangko ang pupuwedeng aksyunan ng pamahalaan at lahat ng impormasyon ay bukas sa paninilip ng pamahalaan.

CORONA IMPEACHMENT

Dahil sa tila kawalan ng limitasyon ng impormasyon o data na makakalap sa internet, mukhang mauulit ang nangyari kay dating Chief Justice Renato Corona.

Kapag may galit sa iyo na taga-bangko o may hawak ng iyong libreta at gusto kang pinsalain, pupuwede nilang ilabas sa internet ang iyong bank account.

Kung ipasasara mo ang website o account ng gustong sumira sa iyo, maaari kang pigilan ng Bureau of Internal Revenue o Anti-Money Laundering Act o anomang opisyal o ahensya ng gobyerno na gusto kang imbestigahan.

Kahit anonymous o pandak na babae na hindi nakilala ng kahit sino ang pinanggalingan ng rekord na kahit hindi verified, patay kang bata ka.

MAGDUSA KA GAYA NI CORONA

At gaya ng nangyari kay Corona, maaaring sa huli ay magdusa ka na, mawalan ka pa, kahit na ligal pa ang nakadepositong pera mo sa bangko.

Pupuwede ka rin nilang ipakulong.

Ang gobyerno pa naman, kung gusto kang pinsalain, ay wala kang magagawa.

Sinubukan, halimbawa, ni Corona na ipagtanggol ang kanyang sarili sa pamamagitan ng Bank Secrecy Law at pagiging malabo ng anomang batas ukol sa iniingatang dollar account, pero wala siyang nagawa.

Ang ordinaryong mamamayan o negosyante pa kaya?

Diyos na mahabagin.

BANGKO TUWANG-TUWA

Kapag pinigil ng mga taga-gobyerno ang iyong salapi habang kinakasuhan ka, siyempre pa tuwang-tuwa ang bangko dahil gagamitin nito ang pera mo sa mga negosyo ng pagpapautang at pamumuhunan kahit saang negosyo.

‘Yung rekord lang naman ang intact diyan pero gumagalaw ang iyong salapi na iyong pinaghirapan.

Magpipiyesta ang mga bangko sa iyong salapi kung malaking halaga ‘yan.

Pero kahit maliit kung marami kayong tsinismis sa internet, gayundin magpipiyesta ang mga bangko.

WITHDRAWAL

Dito naman mawawalan ang taumbayan ng tiwala sa mga bangko at sa anti-cybercrime law.

Ilalabas ng mga depositor ang kanilang mga salapi at sa bahay na lang nila ilalagak ang mga ito.

Diyan magkaloko-loko ang financial system ng bansa.

Dahil liliit ang hawak na salapi ng mga bangko.

Pati ang mga may gustong magdeposito sa bangko ay magdadalawang-isip din na maglagak sa bangko.

At maiisipan nilang itago na lang sa kanilang mga unan at alkansiya ang kanilang mga pera.

TINGNAN ANG MANGYAYARI

Kung magkaloko-loko ang banking system natin dahil sa anti-cybercrime law, ano sa palagay ninyo ang magaganap sa mga negosyo sa bansa?

Maraming dayuhang mamumuhunan ng salapi, marahil, ang aalis na lang.

Ang mga lokal na mayayaman, sa labas na lang ng bansa sila magdeposito ng salapi.

Gagawa sila ng paraan na makalusot sila sa mga ipinagbabawal ng batas gaya ng pagdadala lang ng $10,000 below palabas ng bansa.

KORAP NA MATATAG

Ang mga korap na matatag o may hawak ng gobyerno na lang ang makatitindig.

Ito’y dahil kaya nilang labanan ang mga kaso sa pamamagitan ng kanilang mga impluwensiya at kapangyarihan.

PROSTITUSYON

Palagay ko, magiging higit na interesado ang gobyerno sa mga bank account ng mamamayan kaysa human trafficking at prostitusyon na siyang malinaw na isinasaad ng batas.

Mas gusto ng mga taga-gobyernong korap ang maghanap ng pera ng may pera sa internet upang may panggastos sila sa kanilang mga pork barrel at iba pang pinagkakakitaan nila sa gobyerno.

Kung mangyari ‘yan, God bless my beloved Phi-lippines.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply