Signal jammers ‘di makapandadaya sa resulta ng halalan – Comelec

ballot

WALA umanong dapat na ipangamba ang publiko laban sa mga signal jammers na posibleng mandaya sa halalan sa pamamagitan nang pagpigil sa signal upang hindi mai-transmit ang resulta ng halalan sa Mayo 13.

Ang pahayag ng Commission on Elections (Comelec) ay kasunod na rin nang pagkabigo ng ilang Precinct Count Optical Scan (PCOS) machines na makapag-transmit ng data sa idinaos na mock elections nitong Sabado.

Ayon kay Comelec Chairman Sixto Brillantes, Jr., sa kanilang karanasan ay hindi epektibo ang mga signal jamming devices kung malayo ito sa voting centers.

Ipinaliwanag pa nito na kailangang malapit ang mga signal jammers sa voting center para maging matagumpay ang pag-jam na nangangahulugan aniya na kinakailangang maglagay ang mga ito ng napakaraming jamming devices sa buong bansa upang maapektuhan ang halalan.

Aniya, sa lokal namang transmission ay hindi rin magiging problema sakaling magkaroon man ng jamming ng signal dahil madali namang maitakbo ang mga compact flash (CF) cards at hard copy mismo sa canvassing centers.

Tiniyak rin naman ni Brillantes na sakaling maging epektibo nga ang signal jamming ay may contingency na silang inihanda para dito at preparado na aniya sila hinggil dito.

Nakipag-ugnayan na rin aniya sila sa National Telecommunications Commission (NTC) at mga telecommunications companies upang maiwasan ang mga signal jammers sa posibleng pananabotahe sa halalan.

Nakatakda rin aniya silang kumuha ng may 8,000 technicians na siyang magiging in-charge sa mga gagamiting precinct count optical scan (PCOS) machines sa eleksiyon.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply