PANAHON NG PAG-AARARO AT PAKIKIPAGSAPALARAN

benny antiporda

benny antipordaTOTOO na puno ng kamatayan, hirap at gutom ang tag-ulan sa mahal kong Pinas.

Sino ba naman ang hindi mamamatay sa bagyo, baha, landslide at alon sa karagatan kung may bagyo, habagat at biglaang pagsusungit ng panahon? Nakatatakot na nga lagi ang pagdating ng tag-ulan. Hindi natin malilimutan ang mga delubyong sumalanta sa Luzon, Metro Manila, malaking bahagi ng Mindanao at ilang bahagi ng Kabisayaan.

Pero marami rin namang magagandang bagay sa tag-ulan.

SARIWANG KAPALIGIRAN

Para sa mga nasa kalunsuran gaya ng Metro Manila, Cebu City at iba pa, ang sarap na tingnan ang kapaligiran na punom-puno ng kulay berde.

Ang mga dating nalalagasan ng mga dahon at namamatay-matay na mga puno at halaman sa mga lansangan o parke o tourist spot ay nagiging buhay na buhay na. Napakasariwang tingnan ang berde nilang kulay at wala na ang mga palatandaan ng pagkatuyot.

MASARAP HUMINGA

Masarap huminga at lalong nagiging malakas ang lahat ng mga puno at dahon na sasagap ng mga polusyon sa kapaligiran. Napakasarap din sa mata ang mga kulay ng mga puno, halaman at damo sa paligid.

Nahuhugasan din ang mga mababahong lansangan at pati ang mga ilog ay nababawasan din ng mga katakot-takot na mabahong amoy.  Pati ang hangin sa tabing dagat ay ramdam na ramdam mo kung gaano kalinis.

Pababayaan mo lang ang hangin na sagapin ng iyong dibdib.

At masisira na lang ang lahat ng sarap ng ito kung mapasok ka sa mga luma, mababaho at malalansang public market.

KULAY LUPA

Paglabas mo sa mga sentrong lungsod, makikita mo naman ang mga traktora at kalabaw na nag-aararo. Malalawak na lupain ang nagkukulay-lupa dahil sa pagkakaararo.

Kung may makikita ka namang mga green, hindi pa naaabot ng mga mag-aararo ang mga iyon.

‘Yung ibang berde ang kulay ay may mga punlang palay.

MAY PAGKAIN

Makaaasa ka ng pagkain dahil sa mga magsasaka.

Bukod sa palay, marami ring itinatanim ang mga ito na gulay na buhay na buhay sa tag-ulan.
Ang mga kamote, kamoteng kahoy, kangkong at iba pang pang-tag-ulan na mga halaman.

Makakikita ka rin ng mga puno na nagsisimulang mamulaklak at magbunga bagama’t nagsimula nang mawala sa merkado ang mga puno na pinagkukunan ng mga masasarap na pagkain gaya ng mangga.

Ang mga langka, saging at iba pa ay nagiging buhay na buhay na nagtitiyak ng pagkain at hanapbuhay na rin ng marami sa mga lalawigan o labas ng mga sentrong lungsod.

MAYAMANG KATUBIGAN

Kahit pa nasasabak sa pana-panahon na hanapbuhay ang mga mangingisda o mandaragat, marami ring huli sa mga ilog, lawa at karagatan. Sa kaunting pagbaha mula sa mga kabundukan, maraming isda at hipon ang sumasama sa mga bumabang ilog mula sa itaas na nahuhuli at nagbibigay-buhay sa mga nasa kapatagan.

Ang mga isda at halaan na masasangsang at hindi pupuwedeng ulamin ay nauulam na rin ngayon gaya ng mga matatagpuan sa mga saradong lawa, gaya ng Laguna de Bay.

Nahuhugasan ang mga ilog, lawa at karagatan sa polusyon at iba pang nagpaparumi sa mga ito at sa mga lamang dagat.

NAWAWALANG ILAW SA DAGAT

Sa paglabo ng mga karagatan dahil sa mga kulay lupa na mga tubig na umaagos mula sa mga kabundukan kung may mga bagyo at ulan, nawawala naman ang mga pailaw sa dagat.

Para sa mga mangingisda, sa tag-araw ay hindi maiiwasan ang pagliwanag ng dagat sa kabilugan ng buwan o kawalan nito o kung kasagsagan ng mga “kuwarto o kakapirasong buwan.”

Walang huling isda kung nagliliwanag ang mga lambat at bingwit. Wais ang mga isda at naiiwasan nila ang mga lambat at bingwit.

Ngunit ngayong tag-ulan nababawasan nang malaki ang pagliliwanag ng mga lambat at bingwit kaya nakahuhuli ng marami ang mga mangingisda at mandaragat.

SAPALARAN

May hindi lang maganda sa tag-ulan. Bagama’t sariwa ang mga pananim, gaya ng mga palay na nabubuhay sa tubig, malaki ring usapin dito ang pakikipagsapalaran.

Walang nakatitiyak na maganda ang ani kung tag-ulan dahil sa mga baha, landslide at mapanirang hangin ng mga bagyo.

Natatabunan ng putik ang mga palay at iba pang pananim at nabubuwal at nasisira ang mga saging, niyog at iba pang puno at naaanod ang mga ito sa mga baha.

May mga fruit tree na nalaglagan at nasisiran ng mga bulaklak at bunga dahil sa sungit ng panahon.

Hinahambalos naman at pinagbabawalang pumalaot ng mga bagyo at alon ang mga mangingisda.

At tsumatsamba na lang ang mga ito kung mapayapa ang langit at dagat.

TAGGUTOM AT TAGHIRAP

Kaya nga bagama’t maraming maaani at mahuhuli ng milyon-milyong magsasaka at mangingisda sa tag-ulan, simula na rin ngayon ang mga araw ng isang kahig, isang tuka nilang kalagayan.

Inaagaw ng bagyo, baha, landslide, alon at kalamidad ang mga dapat sana’y magbubunga na mga lupain at karagatan.

At kung kailan walang gaanong kita ng mga bumubuhay ng lipunan, saka naman nagmamahal ang presyo ng lahat ng bilihin, kasama na rin ang mga produkto ng mga magsasaka at mangingisda,.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa  09214303333.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>