PNoy, pinangunahan ang pagdiriwang ng ika-115 anibersaryo ng Araw ng Kasarinlan

PINANGUNAHAN kahapon ni Pangulong Benigno Aquino III ang pagdiriwang ng ika-115 anibersaryo ng Proklamasyon ng Kalayaan sa harap ng rebulto ng Supremo ng Katipunan sa Liwasang Bonifacio, Maynila.

Sa kanyang talumpati, sinabi ng Pangulo na maliwanag ang pahiwatig ng tindig ni Bonifacio na karangalan ang magtaya ng buhay para sa bayan kaya’t taas-noo maipagmamalaki ng bawat Filipino ang mga naiambag ng administrasyong Aquino para sa kalayaan.

Kasabay nito, aniya, ay  tila mapanghamon din ang titig ni Bonifacio na nagsasabing “ Ikaw, Pilipino, ano na ang nagawa mo para sa bandila at kapwa mo?”

Sinabi pa rin nito na lumipas na ang panahon ng pag-aaklas laban sa paniniil ng mga mananakop Ginawa na aniya  ito nina Rizal at Bonifacio, ng mga Katipunero at iba pang bayaning Pilipino.

“Ginawa nila ito dahil mulat silang walang ibang magtatanggol sa ating karapatan; walang ibang magsusulong para sa kinabukasan ng ating bayan; walang ibang magtutulak para sa ating ganap na kalayaan, kundi tayo ring mga Pilipino. Wala nang iba. Salamat sa kanila, isandaan at labinlimang taon na nating ipinapahayag sa mundo na tayo’y isang bansang Malaya,” ayon sa Punong Ehekutibo.

Habang nagbabalik-tanaw at pinapahalagahan aniya  ang kasarinlan ay  mulat ang pamahalaan sa tungkulin nitong pangalagaan ang kalayaang ito.

Kaya naman, aniya,  naninindigan siya para sa mga karapatan ng Piipinas bilang bansang may sariling soberanya, bilang bayang nagbuwis na ng buhay para sa kalayaan, bilang Pilipinas na may sariling bandila na kapantay ng lahat.

“Malinaw po, habang may responsibilidad ang estado na ipagtanggol ang bayan, tungkulin din nating tutukan ang mga pangunahing pangangailangan ng taumbayan,” anito.

Ang kailangan aniya ngayon ay ang masusing pagpaplano, sa halip na padalos-dalos na desisyon.

Ang bunga nito  ay ang  makabuluhang solusyon na tumutugon sa mismong problema.

Kaya nga, ipinagmalaki naman ng Punong Ehekutibo na nakapagpatayo na ang pamahalaan ng  21,800 na tahanan para sa Phase 1 sa ilalim ng programang pabahay para sa mga sundalo at pulis.

Tinatayang 14,000 na aniya ang natatapos na bahay para sa Phase 2 kung saan ay  aabot sa 31,200 pagdating ng Hulyo.

Sinasabing P75 bilyong pisong pondo rin ang mailalaan ng gobyerno  sa Tanggulang Pambansa sa susunod na limang taon dahil sa pagsasabatas ng New AFP Modernization Act.

Sa katunayan aniya ay bago pa man maipasa ito, sa loob lamang ng isang taon at pitong buwan, halos pantayan ng mahigit P28-bilyon ang inilaan ng pamahalaan  para sa AFP Modernization Program. Ang P33-bilyong  pondo na nailagak  sa nasabing programa sa nakalipas na tatlong administrasyon.

“Ganyan ang tutok natin: hindi lamang para sa modernisasyon ng ating tanggulan, kundi para rin maitaas ang dangal at moral ng ating mga kawal,” ang pahayag nito.

Sa ngayon  kailangang  timbangin ang mga hakbang ukol sa mga usaping ito. Habang iginigiit ng Pangulong Aquino ang karapatan ng Pilipinas ay  kailangan din  aniyang ipakita ang tunay na katangian ng mga Pilipino.

“Wala sa lahi natin ang pagiging agresibo, pero hindi rin tayo titiklop sa anumang hamon. At habang naninindigan tayo para sa ating mga karapatan, at nakikipag-ugnayan sa lahat ng panig upang maghari ang hinahon at pagkaka-unawaan, kailangan din nating iangat ang kakayahan ng ating Sandatahang Lakas. Kasabay nito, kailangan din nating isa-alang-alang ang kapakanan ng milyon-milyong Pilipinong maaaring maapektuhan ng ating mga desisyon bilang pinuno,” litanya pa  ng Chief Executive.

Binigyang-diin pa nito  na  wala naman siyang ibang pakay kundi ang pangalagaan ang tunay na pag-aari ng bansa.

Tiniyak nito na hindi  niya  tinatapakan ang karapatan ng iba. Hindi niya inaangkin o sinasaklaw ang teritoryong malinaw namang nasa bakod ng iba. Wala aniya siyang minamaliit, wala siyang  inaapi. Wala sa kasaysayan ng Pilipinas ang manakit, o gumawa ng anomang hakbang para magtanim ng sama ng loob ang ibang nasyon sa bansa.

“Hindi kailanman naging polisiya ng Pilipinas ang manlamang sa ibang bansa. Kung may ‘di-pagkakasunduan, saksi ang mundo sa kahandaan nating umupo at makipagdayalogo sa mapayapang paraan. Wala tayong ibang hinihingi kundi ang igalang ang ating teritoryo, karapatan, at pagkatao, tulad ng paggalang natin sa teritoryo, karapatan, at pagkatao ng ibang lahi. Ginagawa natin ito dahil mulat tayong ito ang susi upang mapanatili ang stabilidad, at nang sa gayon ay magpatuloy ang pagtungo sa malawakan at pangmatagalang kaunlaran, hindi lamang sa loob ng ating bansa, kundi sa ating rehiyon, at maging sa buong daigdig,” ani Pangulong Aquino.

Si Andres Bonifacio na aniya  mismo ang nagsabi na  “Itinuturo ng katwiran na tayo’y magkaisang-loob, magkaisang-isip at nang tayo’y magkalakas na maihanap ang naghaharing kasamaan sa ating Bayan. Panahon na ngayong dapat na lumitaw ang liwanag ng katotohanan; panahon ng dapat nating ipakilala na tayo’y may sariling pagdaramdam, may puri, may hiya at pagdadamayan.”

Malinaw  aniya ang nais ipabatid ni Gat Andres Bonifacio na ayon dito ay umabot ng mahigit 300 taon bago nagpasyang magkaisa at matagumpay na nag-alsa ang mga Pilipino laban sa mga Kastila.

Nakiusap ito na huwag  nang maghintay pa ng 300 taon, o ng 3 dekada, o kahit ng 3 taon ang sambayanang Filipino  bago pa aniya  magpasyang magbuklod para maging malaya  mula sa gutom, kahirapan, o anumang banta sa soberenya’t seguridad.

“Hindi tama na mapahaba pa ang pagtitiis ng mga Pilipino ni isang minuto. Kung pwede lang sana, kahapon pa ito nagawa. Pero dahil imposible nang mangyari ito, gawin na natin ito ngayon. Ngayon na mismo ang panahon para tayo’y magkaisang-loob, magkaisang-isip, at magkaisang-tinig. Ngayon na mismo ang panahon upang ialay ang ating oras at lakas,” anito sabay sabing “Ngayon na mismo ang panahon upang isang bansa tayong kumilos para sa katuparan ng mga kolektibong hangarin natin para sa Inang Bayan. Alam kong magagawa natin ito, dahil lahi tayo ng mga bayani, at oras na tanungin tayo ni Rizal, o ni Bonifacio, ni Ninoy o ni Cory ng “Pilipino, ano ang nagawa mo para sa bandila at kapwa mo?” Maaari natin silang titigan, mata sa mata  at sabihing “Narito ang mga inambag ko sa aking bayan, at ibinuhos ko ang aking buong puso’t kaluluwa upang mapabuti ang kanyang kalagayan.” sabi pa ng Pangulong Aquino


Leave a Reply

*
Nako ang ganda ng The Legal Wife,nakaka tense. Gus...
NYAHAHAHA SO KAKASUKA KUNYARI LANG NA EXTEND ANG S...
NYAHAHAHHA DALAWANG SERYE NGAUN SA PRIMETIME NG DO...
SOP yun....itong writer maka bobo lang lumalabas t...
Bakit Abe, ibig mo bang sabihin eh na-outnumber na...
hahaha! baka kailangan na ni kristd mag-shampoo na...
AGB? hahahaha! patawa ka naman kristd eh....hahaha...
hahaha! dito sa u.s. (siguro kahit sa ibang bansa ...
corek...
sa title pa lang ay mukhang may sense ang mga peli...

BREAKING NEWS


© 2010 Remate | Ang Dyaryo ng Masa. All Rights Reserved.