PANGGAGAMOT SA STEM CELL AT PERA-PERA SA SAKIT

benny antiporda

benny antipordaDUMARAMI ang mga pasyente na nagsasabing gumaling sila sa kanilang mga sakit dahil sa paggamit ng stem cell.

Itong panggagamot sa stem cell ay nagsimulang sumikat nang gamitin ito ni Aling Gloria na dahilan para lumabas ng bansa sa kasagsagan ng kaso nitong pandaraya sa halalan at iba pang kaso na isinalpak ng Aquino administration sa kanya at kay Big Mike na waswit nito.

Sa mga panahong iyon, walang kabilib-bilib ang gobyerno sa stem cell therapy.

O kung bilib man sila, basta ayaw nilang lalabas si Aling Gloria noon kundi ipakulong siya.

Sukdulang labagin nila ang mga kautusan ng Korte Suprema na nagbibigay-luwag sa kanya.

Pero sa mga araw na ito, napag-alaman nating nag-isyu na ang gobyerno, sa pamamagitan ng Department of Health ng isang Administrative Order na nagpapahintulot sa mga ospital na magsagawa ng ganitong uri ng panggagamot.

Pero ospital lang umano ang pinahintulutan at hindi ang mga indibidwal na doktor.

Walang gaanong nakaaalam ukol sa nasabing AO o kautusan kundi ang DOH at mga ospital at doktor.

Kung bakit hindi napag-alaman ito ng mga ordinaryong mamamayan ay ang DOH lang ang nakaaalam.

IBA PANG LAMAN NG AO

Maganda na ring may AO na pinalabas ang DOH.

At sa pagkakaintindi natin, ipinagbabawal din ang paggamit ng stem cell mula sa anomang hayop. Bawal din ang halo-halo na stem cell mula sa hayop at tao.

Ang pinahihintulutan lang umano ay ang galing sa sariling dugo, taba at utak ng buto ng pasyente.

Sabi pa ng AO, parurusahan umano ang mga doktor na lalabag dito.

TATLONG KONGRESMAN

Ayon sa mga balita mismo mula sa mga kongresman, gumamit umano ng stem cell therapy ang tatlo nilang kasamahan na namatay.

Dahil dito, may naniniwala mismo na mga doktor na baka ang stem cell pa ang ikinamatay ng mga ito.

Ang problema, mag-iimbestiga pa lang ang DOH para alamin kung gumamit nga ang mga kongresman ng stem cell.

At kung gumamit ang mga ito, utak ba ng buto, taba o sarili nilang dugo ang pinagkunan ng stem cell?

Paano kung galing nga sa hayop o pinaghalong galing sa tao at hayop ang ginamit na gamot?

Pupuwede pa bang hukayin at alamin ng DOH at iba pang kaukulang ahensya ng gobyerno ang bangkay ng mga kongresman para makunan ang mga ito ng sampol at mapag-aralan?

Isa pa, baka wala pang gamit o makina o laboratoryo ang DOH para alamin ang katotohanan dito.

Bagama’t may malalaking katanungan ukol dito, mabuti na rin na may mga nagdududa at lalong mabuti kung makagawa nga ang DOH ng masinsin at tiyak na pag-aaral sa ikinamatay ng mga kongresman.

Ito’y upang hindi madamay ang iba pang pasyente na umaasa sa galing ng stem cell therapy.

Hindi na nga baleng magkasakit tayo kaysa mabilis pa sa alas-kuwatro na makipagkita tayo kay San Pedro nang wala sa oras.

Hehehe!

SINO-SINO ANG MAY GAWA

Maganda ring malaman kung sino-sino ang mga nagsagawa ng stem cell therapy kina kongresman.

Kabilang ba sa mga ito ang ilang doktor mula sa Germany na may kasong panloloko umano?

‘Yun bang === parang pirated na stem cell ang ginamit o mula sa hayop o mula sa pinaghalong hayop at tao.

Eh kung lokal na mga doktor, sino-sino sila?

Dapat na makilala ng publiko ang mga doktor na nagsagawa ng stem cell therapy upang magkaroon ng baba-la ang publiko.

Baka naman ang mga nanggagamot ngayong doktor na Filipino ang may gawa sa panggagamot sa mga kongresman.

HILING SA DOH

Dito natin hinihiling sa DOH na huwag pagtakpan ang katauhan ng mga doktor na nagsagawa ng panggagamot sa mga kongresman.

At kung may ospital, karapatan din ng publiko na malaman ang mga ito.

At kung magiging lihim ang imbestigasyon at sikret din ang mga taong taong sangkot sa mga panggagamot, magkakaroon tayo ng malaking problema.

Anong malay natin na ang kinakausap na pala natin na doktor ay sila ang may gawa ng gamutan sa mga kongresman? Delikado.

BABALA NG MGA DOKTOR

Tama lang na may babala ang ilan nating mga doktor ukol sa stem cell therapy.

Pero dapat na tapat na babala ang kanilang inilalabas.

Dahil may kumokontra na nasasagasaan ang interes sa pagbebenta ng gamot at pagpapagamot sa kanila.

Alam naman natin na doble talim kung kumabig ang mga doktor sa atin.

Babayaran mo na sila ng napakamahal sa kani-lang serbisyo bilang doktor, may kita pa sila sa mga gamot na kanilang inirereseta na sila lang at ang kanilang mga kasabwat sa pagsasamantala sa mga parmasya ang nakaiintindi.

SINO-SINO ANG MGA GUMALING

Maganda sigurong lumabas sa publiko ang mga gumagaling sa stem cell therapy.

Gaya ni Ex-Congresswoman Charito Planas na nagsabing gumaling at lumakas siya dahil sa stem cell therapy..

Tingnan natin kung totoong gumaling o gumagaling nga ang nakararami at hindi namamatay na pasyente.

Kung nagkataon, may pag-asa na tayo sa napakarami nating sakit na pi-nagkakaperahan lang ng mga mukhang perang doktor at ospital.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa 09214303333.

About Gwenn

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>