TRANSPORTASYON, NGAYON NA!

baletodo

baletodoNAGKAGULO ang Metro Manila matapos na magpatupad ng mahigpit na ordinansa ang lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Maynila. Kung sa pagkain, malasa ang tiyempo at aksyon nina Manila City Mayor ERAP Estrada at Vice Mayor ISKO Moreno. Natuwa ang Manileño.

Ang dating isang oras o higit pa na biyahe ay nahati sa 30 minuto o mas mababa pa.

Ang mga kalapit na lungsod ng Quezon City, Pasay City, Makati City, San Juan City at Mandaluyong City ay nalito dahil sa “biglaan” daw na pagpapatupad ng “bus ban” sa loob ng Maynila. Nakisawsaw ang ilang politiko kesyo mali raw at labag sa batas ang ginawa nina ERAP at ISKO. Talaga ba?

Para sa akin, hindi nila dapat gitgitin ang dalawang lider. Bagkus, buksan nila ang kanilang mga mata at isip. Alamin ang tamang solusyon ng mala-impyernong problema sa trapiko sa kani-kanilang imperyo!

Nagbabanggaan din ang bus operators at ibang grupo sa kalsada, Nagtuturuan na hindi raw sila ang problema. Sabi ng bus operators, konti lang sila. Mas marami raw ang pribadong sasakyan kaya ito ang dapat kontrolin. Sagot ng mga pribadong motorista, abusado raw ang mga pampublikong sasakyan na kung magsakay at magbaba ay nakabalagbag at nakaharang sa maraming sasakyan sa kalsada.

Parehong tama, parehong mali sila. Una na sa DISIPLINA. Gustong makauna lahat. Malaahas kung magmaneho at ayaw magbigayan. Sa mga crossing at U-Turn, nakupo bayan ko, hayun, naggigitgitan sila para makauna lang. Hindi ba ang tawag diyan ay panggugulang? Resulta, buhol-buhol na trapiko.

Malulutas ito kung ang pambansang liderato ang makikialam para solusyunan ang problema rito para maibsan ang matinding trapiko. Halos 13,000 ang bus na bumibiyahe sa Metro Manila at halos 9,000 ang kolorum. Bakit hindi hulihin at tuluyang pagbawalang bumiyahe ang mga kolorum?

Sasabihin naman, kulang ang transportasyon para sa mga mana-nakay. Tama. Pero kung itutuloy ng rehimen ang proyektong transportasyon, malulutas ito. ‘Yung LRT 7 mula San Jose Del Monte, Bulacan na ipakokonekta sa MRT sa North Avenue, matagal nang aprubado at may laan nang pondo. Natigil dahil sa mga SWAPANG NA NEGOSYANTE.

Itutuloy na ngayon ito batay sa orihinal na plano. Walang dapat sinuhin.

Dahil sa katiwalian, lumobo ang kolorum na bus at mga jeepney. Ang siste, walang mga terminal kaya mismong mga lansangan ay sinakop, inari at pinagkakakitaan ng mga lokal na pamahalaan at mga kasabwat nito na mga ahensiya ng pambansa at lokal na namamahala.

Solusyon: PAGBAWALAN SILA!

POLITICAL WILL lang ang kaila-ngan ninyo, mga sir. Ang bawal ay bawal at huwag pagkaperahan. Palayain ang kalsada sa mga iligal na operasyon ng mga iligal na transportasyon. Ngayon na!

About Girlie

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>