May sintomas ng tigdas, ‘bawal’ sa Pista ng Quiapo

HUWAG nang isama sa prusisyon ng Itim na Nazareno bukas, Huwebes, ang mga bata at matatandang may sintomas ng tigdas upang maiwasan ang posibleng makahawa na naturang sakit.
Ito ang apela ni Health Assistant Secretary Dr. Eric Tayag, direktor ng National Epidemiology Center (NEC) ng Department of Health (DOH), sa mga magulang, kasunod nang inaasahang pagdalo ng milyon-milyong deboto sa traslasyon ng Nazareno, kung saan maraming mga magulang ang hindi mapigilan na isama ang kanilang mga anak sa relihiyosong aktibidad.
“Sa Pista ng Nazareno, alam ng Kagawaran ng Kalusugan na maraming namamanata kasama na ‘yung mga bata. Ang mga batang may lagnat ay ‘wag na pong pasamahin sa prusisyon para sa ganun ay makaiwas tayo sa pagkalat ng tigdas,” ayon kay Tayag, na siya ring tagapagsalita ng DOH.
Sinabi rin naman ni Tayag na maging ang mga nakatatanda na mayroong lagnat ay makabubuti na ring huwag nang dumalo sa prusisyon.
“Ang panawagang ito ay hindi lang para sa mga bata,” aniya. “Sinomang nilalagnat [ay] sa bahay na lang kayo, ‘wag na kayong sumama sa prusisyon.”
Mas makabubuti naman aniya kung huwag nang isama ang mga bata sa prusisyon, kahit pa walang sakit ang mga ito, upang makaiwas sa disgrasya, gayundin ang mga matatanda, mga buntis, mga may kapansanan at mga mahihina ang pangangatawan.

Hanggang nitong Disyembre 31, 2013,  nakapagtala ang DOH ng 1,724 laboratory-confirmed measles cases, kung saan 21 pasyente na nasawi.

Nagdeklara na rin ang DOH ng outbreak ng sakit sa ilang lungsod sa Metro Manila.
Mahigpit din ang paalala ng DOH sa publiko na dalhin kaagad sa ospital ang mga bata na kakikitaan ng sintomas ng sakit para magamot kaagad ang mga ito.
Paalala ni Tayag, ang tigdas ay maaaring makamatay kung mapapabayaan at mauuwi sa kumplikasyon.
Idinagdag ng opisyal na maglalagay rin ng mga tauhan ng DOH sa mga lugar na daraanan ng prusisyon ng Itim na Nazareno upang mabilis na makatugon sa anomang ‘di kanais-nais na pangyayari.
Naka-code white alert din ang DOH bukas dahil sa prusisyon.

About Gwenn

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>