HUSTISYA PARA KAY RUBIE GARCIA!

benny-antiporda16

benny-antiporda16MULING lumuha ang mediamen sa pagpaslang kay RUBIE GARCIA.

Si Rubie, mga Bro, ay reporter o correspondent mula’t sapul ng pahayagan nating Remate.

Hindi humiwalay si Rubie sa ating pahayagan kahit kailan, sa hirap at ginahawa, at naging beterana itong mamamahayag. Nakaupo rin siyang pangulo ng isang confederation of active media practitioners sa lalawigan ng Cavite nang mabaril at malagutan ng hininga bago mag-alas-3 ng hapon kahapon.

LIMANG BALA

LIMANG tama ng bala ang tumama kay Rubie sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.

Alas-9 nang pagbabarilin siya ng dalawang tao sa harapan mismo ng kanilang tahanan sa sa Brgy. Talaba 7, Bacood, Cavite.

Apat sa mga bala ang naging “fatal” o nakamamatay at hindi naisalba ng mga doktor ang kanyang buhay makaraan ang madugong operasyon sa kanyang mga tama o sugat.

Alas-2:40 ng hapon nang tuluyan nang mamaalam si Rubie sa ating mundo.

HUSTISYA AT KAPAYAPAAN

DALANGIN natin na kalong na ni Lord si Rubie at nasa walang hanggan na kapayapaan na ito. Subalit dalangin din natin na magkaroon ng hustisya para sa kanya at sa naiwan nitong mga mahal sa buhay.

Ang hustisyang matatamo ni Rubie ay magiging hustisya rin sa napakarami nang napapatay na mediamen simula nang maging malaya ang bansa para sa mga mamamahayag noong 1986.

PANG-24 SI RUBIE

KUNG hindi nagkakamali, mga Bro, pang-24 na si Rubie sa pinaslang na mediamen sa ilalim ng Aquino administration.

Anoman ang lalabas na motibo ng mga pumaslang, ang mahalaga ay pinaslang si Rubie nang walang kalaban-laban.

Pero malaki ang posibilidad na konektado sa kanyang trabaho ang dahilan ng kanyang kamatayan.

RUBIE’S DYING DECLARATION

SA kanyang dying declaration, nabanggit nito ang isang Col. Conrado Villanueva na posibleng may kaugnayan sa kanyang kamatayan dahil nakasagutan nito umano ang kernel na nabanggit nito lang nakaraang Huwebes.

Naganap ang dying declaration habang itinatakbo ito patungo sa ospital.

Hindi solo ni Rubie ang kuwento dahil may nakaaalam din na ilang mamamahayag ukol dito.

Naikuwento rin ni Rubie sa kanyang mga kamag-aak ang laman ng kanyang dying declaration.

Hindi natin hinuhusgahan agad ang kernel na ito pero magandang silipin ito ng mga awtoridad.

NBI, CIDG ISAMA

DAHIL sa dying declaration ni Rubie na nagsasangkot sa isang may mataas na katungkulin sa Cavite police sa kanyang kamatayan, magandang isipin ng mga awtoridad na isama sa imbestigasyon ang mga hindi pulis-cavite.

‘Yun bang === kung pupuwede ay magkaroon ng halong National Bureau of Investigation o Criminal Investigation and Detection Group mula sa mga national office ng mga ito.

Namukhaan ng ilang kapitbahay ang dalawang gunman.

Gumamit ang mga ito ng baril na makapal ang nguso at iyon ang palatandaan na may silencer ang baril. Kaya naman, talagang sinadya ang pagpaslang kay Rubie.

Hindi inintindi ng mga killer ang pagkakaroon ng istasyon ng pulis ilang hakbang lang ang layo sa bahay ni Rubie na doon siya binaril.

WALANG LIGTAS NA LUGAR

SA naganap na krimen laban kay Rubie, maituturing na wala na talagang ligtas na lugar para sa mga mamamahayag.

Maitutulad sa kamatayan ni Marlene Esperat, isa ring babaeng mamamahayag na pinaslang sa Mindanao, ang kamatayan ni Rubie. Parehong sa loob ng bahay o compound ng mga biktima isinagawa ang pamamaslang.

Kung nakararami sa mga krimen at isinasagawa sa mga malalayong lugar, dinadayo na ang mga mamamahayag sa kanilang mga tahanan para lang pagpapatayin sila.

Kahit may pulis pa sa paligid, walang takot ang mga killer na magsagawa ng kanilang krimen.

SINO ANG UTAK?

SINO ba talaga ang utak ng pamamaslang kay Rubie? Matanong natin ito sa posibilidad na triggermen lang ang mga bumaril sa kanya.

Itong mga utak sa pagpaslang sa mediamen ang isang hindi malutas-lutas ng mga awtoridad.

Binibigyan natin ng pansin ang mga utak dahil lumalabas na mayroon talagang nagmamando sa mga pamamaslang.

Mayroon na ring ilang utak sa krimen na nakikilala at nadedemanda pero sa mahigit nang 150 mediamen na napapatay simula noong 1986, kakaunti lang ang bilang ng mga ito.

Kung may nakakasuhan naman, nakalalayas sila ng bansa dahil tumutulong sa kanila ang mga opisina ng gobyerno para sa kanilang mga passport pagtakas sa mga paliparan.

HINDI MAAASAHAN

TALAGA bang hindi na maaasahan ang gobyernong Aquino sa mga kasong pagpaslang sa mga mamamahayag?

Ang napapansin lang natin, kung kalaban nila sa pulitika ang gusto nilang pabagsakin, lahat ng puwersa ng gobyerno ay kanilang iniipon at isinasalpak sa laban.

Pero sa mga krimen sa mediamen, nakapanlulumong isipin na parang ningas-kugon lang ang mga aksyon nito.

Kaya naman, mga kasama at kapatid na mamamahayag, magsama-sama tayo lahat para protektahan ang ating mga sarili sa abot ng ating makakaya, sa anomang paraan.

oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333

About Gilbert

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>