BLACK MONDAY PROTEST NG COURT EMPLOYEES

KAHAPON ng umaga ay nagdaos ng tinatawag na “Black Monday Protest” ang mga kawani ng korte sa iba’t ibang panig ng bansa sa pangunguna ng mga taga-Manila Regional Trial Court.

Bagama’t matahimik ang isinagawa nilang protesta na kinabibilangan ng pagsusuot ng itim na damit, ay tagumpay naman nilang naiparating ang kanilang mga hinaing sa pamunuan ng hudikatura sa ilalim ni Chief Justice Ma. Lourdes Sereno.

At ang isa sa mga reklamong nais nilang aksyunan ng pamunuan ng SC, maliban sa pagtataas ng kanilang sweldo at iba pang benepisyo, ay ang ipaliwanag sa kanila ang totoong nangyayari at pinupuntahan ng mga kinakaltas sa kanilang buwis.

Partikular nilang tinutukoy ang napakalaking kinaltas na buwis umano mula sa natangggap nilang anniversary bonus kamakailan lamang.

Matatandaan na noong isang linggo lang ay isinulat ko rito sa aking kolum ang reklamo ng mga empleyado ng iba’t ibang korte sa bansa, dahil sa anila ay walang pakundangang pagkaltas ng buwis ni BIR Commissioner Kim Henares mula sa tinanggap nilang nasabing anniversary bonus.

Ikinakatwiran kasi ng mga court employee na hindi nararapat ang ginawang pagbubuwis sa kanila, sapagkat P13,000 lamang at hindi P30,000 ang nasabing bonus.

At dahil nga sa nangyari ay nabawasan ng P2,000 bilang buwis kuno ang kanilang bonus, kaya P11,000 na lamang ang naiuwi nila sa kanilang mga tahanan.

Subalit hindi pa roon natapos ang isyu sapagkat lumabas ang ilang mga usapan na may kumita raw mismo sa mga taga-SC, dahil hindi naman daw totoong napunta sa BIR ang kinaltas na buwis mula sa mga court employee.

Kung kukwentahin kasi, dahil sa daan-daang libo ang bilang ng mga empleyado ng hudikatura sa bansa, ay tiyak na milyon-milyon din ang napunta sa bulsa ng iilan, kung totoong may sumistema nga sa loob ng SC.

Kaya naman iyon ang dahilan kung bakit naglunsad kahapon ng Black Monday Protest ang mga kawani ng korte sa Maynila at iba pang lungsod.

Nagbanta pa sila na magiging sunod-sunod na ang gagawin nilang pagkilos, at magbubunyag pa sila ng mga totoong nangyayari sa loob ng mga korte kung hindi agad maaksyunan ang kanilang mga panawagan.

Para sa akin ay may basehan ang panawagan ng mga empleyado kaya naman hindi dapat balewalain ng pamunuan ng SC ang kanilang panawagan.

Sa halip ay dapat nilang sagutin at ipaliwanag ang totoong nangyari sa kinaltas nilang buwis mula sa anniversary bonus.

Abangan! OPEN LINE/Bobby Ricohermoso

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply