Pringle, pinahanga si Castro

LABIS ang pagkahanga ng ilang fans sa GlobalPort nang talunin nito ang isa sa mapanganib na koponan sa ginaganap na 40th season ng Pambansang Liga na PBA na Talk N’ Text Tropang Texters sa kanilang laban nitong Martes ng gabi, Nobyembre 18.

Inabangan dito ang match-up ng dalawang playmaker ng magkabilang koponan na sina veteran guard Jayson Castro at PBA overall top pick Stanley Pringle.

Bagama’t si Terrence Romeo ang nangibabaw sa laban, mas humanga si Gilas guard Castro sa ipinakitang laro ni Pringle.

“Magaling talaga siya.” Ito ang sinambit ni Castro matapos ang kanilang pagkatalo sa dating underdog na koponan, 97-105.

“Iba-iba ‘yung move na ginagawa niya, at ang maganda pa, lagi niyang ini-involve ‘yung mga teammates niya,” dagdag pa niya.

Matatandaang sa nakalipas na pitong laro ay dito pa lang nabinyagan ng mga bata ni coach Pido Jarencio ang TNT.

Ipinakita ng maliliit na lineup ni coach Pido na walang malaking nakakapuwing kapag nagsama-sama na sa loob ng court ang kanyang ‘three-headed monster’ na sina Terrence Romeo, Alex Cabagnot at Stanley Pringle.

Kapwa tangan ng Batang Pier at Tropang Texters ang 4-3 win-loss record.

Nanguna sa opensa ng GlobalPort si Terrence Romeo na kumana ng 30 puntos, habang may 10 at 13 puntos naman sina Cabagnot at Pringle, ayon sa pagkakasunod.

Samantala, 24 puntos naman ang minarka ni Harvey Carey sa TNT na sinundan ng 23 puntos kabilang ang tatlong tres ni Ranidel de Ocampo. GILBERT MENDIOLA

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply