Paglilitis sa kaso ni CGMA, pinigil

PANSAMANTALANG pinigil ng Korte Suprema ang paglilitis ng Sandiganbayan First Division ng kasong plunder laban kay Dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo.

Ito’y sa pamamagitan ng status quo ante order o SQA order na inilabas ng Korte Suprema na tatagal sa loob ng 30 araw.

Ang kaso ay may kinalaman sa maanomalya umanong paggamit ng confidential intelligence fund ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na nagkakahalaga ng P365-million noong si Arroyo pa ang nanunungkulan bilang Pangulo.

Kasabay nito, inatasan din ng Kataas-taasang Hukuman ang Sandiganbayan First Division na magsumite ng komento sa petisyon ng dating pangulo.

Sa kanyang 124-pahinang petition for certiorari na inihain sa pamamagitan ng kanyang abogadong si Atty. Estelito Mendoza, hiniling ng dating pangulo na magtakda ng oral argument sa kanyang kaso at suspendihin ang paglilitis sa Sandiganbayan kaugnay sa kanyang kaso.

Nais din nitong iutos ng Korte Suprema ang pagpapawalang-bisa sa resolusyon ng Sandiganbayan noong April 6, 2015 at September 10, 2015 na nagbabasura sa inihain niyang demurrer to evidence.

Nabatid na maliban kay Arroyo, pinayagan nang makapagpiyansa ang kanyang mga kapwa akusado sa kaso na sina: Dating PCSO General Manager at Vice Chairman Rosario Uriarte, Dating Board of Directors Manuel Morato, Jose Taruc, Raymundo Roquero at Ma. Fatima Valdes, pati na sina Dating Commission on Audit (COA) Chairman Reynaldo Villar.

Dahil dito, iginiit ni Arroyo na ang ginawang pagbasura ng Sandiganbayan sa kanyang demurrer to evidence ay taliwas sa prinsipyo ng equal justice lalo pa’t wala umanong sapat na ebidensya para madiin siya sa kaso.

Kung pagbabatayan umano ang 637 documentary exhibit ng prosekusyon at testimonya na inihalad ng kanilang 21 testigo, bigo silang mapatunayan na ibinulsa ng dating pangulo ang kahit isang sentimo o piso mula sa PCSO Fund na maanomalya umanong ginamit. TERESA TAVARES

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply