Naluging negosyo sa APEC, mababawi rin – Malakanyang

MABABAWI rin ng mga negosyante ang nalugi sa kanilang negosyo sa apat na araw na pagdaraos ng APEC Leaders’ Summit sa Maynila.

Tugon ito ni Press Sec. Sonny Coloma, Jr. sa ulat na nalugi na ang ilang negosyante sa bansa dahil sa trapikong ikinasa sa nagdaang APEC Leaders’ Summit.

Aniya, kung titingnan ang kabuuang larawan ng nasabing event ay masasabing sa pagbisita pa lamang ng mga eco-leaders sa bansa ay nakabawi na agad ang mga negosyante.

“Looking at big picture, losses incurred this week will be recovered eventually in terms of continuing and sustained growth and development of the PH economy as a favored investment and tourism destination,” ayon kay Sec. Coloma.

Ang maayos na pamamalakad aniya ay nangangailangan ng desisyon base sa mapakikinabangan ng taumbayan at ng bansa.

Aniya, kinikilala nila ang iba’t ibang pananaw ng tao sa usaping ito kung saan ay handa naman silang makipag-ugnayan sa lahat ng stakeholders sa makabuluhang dayalogo.

“As well as consider suggestions for improvement. Reasonable criticism is always welcome in a healthy democracy,” lahad nito.

At ang karagdagang perspektibo na naging resulta ng APEC ayon naman kay Finance Sec. Cesar Purisima ay ang mas naging doble pa ang Pre-APEC GDP ng rehiyon na $15T; Ang APEC trade ay $3T subalit ngayon ay umakyat ito sa $21T na malinaw na tumaas ito nang pitong beses.

Nadagdagan din aniya ng mahigit 15 beses ang ipinapadalang kalakal sa ibang bansa dahil sa APEC.

“Aquino administration has prepped to open economy to foreigners. Over 90% of Philippine economic activity is open to foreigners,” ani Sec. Purisima.

Ibinalita rin nito na 22 beses sa nakalipas na limang taon na upgraded ang ekonomiya ng bansa. Ang mga dambuhalang mangangalakal na kaagapay ng Pilipinas ay ang China, Japan at US.

Handa naman ang Pilipinas na makipag-cooperate sa iba pang APEC members para sa technical resource training at iba pa.

Ang kagandahan pa ng APEC, ayon pa kay Sec. Purisima, ay nabigyan ng boses ang Pilipinas sa mga mahahalagang usapin. Ang walong miyembro ng APEC ay pawang mga G20 members.

Ang APEC aniya ay isang oportunidad upang maipakita na ang maayos na pamamalakad ay mahalaga sa maunlad na ekonomiya. KRIS JOSE

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply